Home NATIONWIDE Canadian drug trafficker lilitisin sa Pinas bago ipatapon sa ibang bansa –...

Canadian drug trafficker lilitisin sa Pinas bago ipatapon sa ibang bansa – BI

IPINAHAYAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na kailangang harapin ng naarestong pugante na si Thomas Gordon O’Quinn ang mga posibleng lokal na kaso laban sa kanya bago ito ma-deport.

Ayon sa BI, si O’Quinn, na gumagamit ng alyas na James Martin, 38, ay naaresto noong Mayo 16 sa Bgy. Maitim II, Tagaytay City sa pinagsamang operasyon ng fugitive search unit (FSU) ng BI at Regional Intelligence Division ng National Capital Region Police Office (NCRPO), PRO4A, Tagaytay City Police Station.

Nabatid na itinuturing ang nasabing suspek na isang big-time drug lord, at pinaghahanap ng interpol para sa mga kasong isinampa laban sa kanya sa US.

Nabatid pa na si O’Quinn ay napapailalim din sa isang Interpol red notice matapos maglabas ng warrant ang isang US district court sa Western Washington para sa kanyang pag-aresto.

“He was reportedly charged before the said court with conspiracy to distribute and possess with intent to distribute the illegal substance called methylenedioxyamphetamine (MDA) and five kilograms or more of a mixture and substance containing a detectable amount of cocaine,” saad ng BI patungkol sa dayuhang suspek.

Ang karagdagang kaso ng conspiracy to export mula sa US ng limang kilo ng cocaine ay isinampa rin laban sasuspek sa parehong korte.

Nagawa umano ni O’Quinn ang mga pagkakasala mula Agosto 2014 at Hunyo 2015 kung saan siya at ang kanyang mga kasamahan ay pinadali ang pag-export at pag-import ng mga ilegal na droga mula sa Canada patungo sa US at vice-versa.

Kung mapatunayang nagkasala, si O’Quinn ay maaaring masentensiyahan ng maximum na habambuhay na pagkakakulong sa ilalim ng US penal code.

Sa Pilipinas, nahaharap si O’Quinn sa mga kasong paglabag sa Section 11 (Illegal Possession), Article II ng R.A. 9165, at Article 178 (Using Fictitious Name and Concealing True Name) ng Revised Penal Code.

Nakasaad sa mga ulat mula sa NCRPO na ang mga kaso ay isinampa sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Office of the Prosecutor, Department of Justice sa Manila City.

Matatandaan na ang suspek na isang Canadian national ay itinuro ng mga lokal na awtoridad bilang pangunahing suspek para sa umano’y pagkakasangkot nito sa kaso ng 1.4 tonelada ng iligal na droga na nasamsam ng mga awtoridad sa loob ng isang sasakyan sa Batangas noong nakaraang buwan.

Nabatid na sa pag-aresto sa kanya, nakuha ng mga operatiba ng immigration at pulisya ang ilang sachet ng shabu at 14 na identification card ni O’Quinn na may gawa-gawang pangalan.

Ang suspek ay mananatili sa kustodiya ng mga lokal na ahensyang nagpapatupad ng batas hanggang sa pagresolba ng kanyang mga kaso sa korte. JR Reyes