MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Canadian national sa Clark International Airport (CIA) makaraang tangkain nitong umalis patungong Hongkong na may pekeng Philippine visa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Nelson John Amos, 64, na naharang noong Agosto 3 sa Clark International Airport (CIA) bago siya makasakay ng HK Express flight papuntang Hongkong.
“He is now detained at our custodial facility in Camp Bagong Diwa, Taguig City pending deportation proceedings,” ani Tansingco.
Ayon sa mga ulat, inaresto ang Canadian matapos mapansin ng opisyal ng BI na nagproseso sa kanya na ang ACR I-Card na ipinakita ng pasahero ay hindi nakilala o nakita sa automated travel control system ng BI.
Napag-alaman na ang may hawak ng ACR I-Card number ng pasahero ay isang Korean national na may ibang pangalan at petsa ng kapanganakan.
Ang mga anti-fraud personnel ng BI na nagsuri sa ACR I-Card at visa ay sinertipika rin na peke ang nasabing mga dokumento.
Nang maglaon, inamin ni Amos na nakuha niya ang mga pekeng travel documents mula sa isang fixer na humingi ng P40,000 bilang processing at service fee.
Ayon sa naarestong dayuhan, natanggap niya ang ACR I-Card at ang kanyang pasaporte na may pekeng visa halos isang linggo pagkatapos niyang ibigay ang pera. Iginiit pa niya na hindi niya alam na peke ang nasabing travel documents.
Dahil dito, nagbabala si Tansingco sa mga dayuhan sa bansa na mag-ingat sa mga fixer na nag-aalok na iproseso ang kanilang mga dokumento sa BI bilang kapalit ng mabigat na bayarin.
Pinayuhan ni Tansingco ang mga dayuhan na direktang makipagtransaksyon sa alinman sa 63 opisina ng BI sa buong bansa. Ang listahan ay makikita sa website ng BI sa immigration.gov.ph. JAY Reyes