Home METRO Capiz nagdeklara ng state of calamity sa El Niño

Capiz nagdeklara ng state of calamity sa El Niño

CAPIZ- Pinairal ang state of calamity ang probinsya ng Capiz dahil sa El Niño at labis na epekto sa kabuhayan ng mga residente.

Inaprubahan ng Capiz Provincial Board ang rekomendasyon ng Capiz Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na magdeklara ng state of calamity.

Unang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng Dumarao, Maayon, Panay, Pontevedra, at Tapaz.

Sa datos ng Capiz Provincial Agriculture Office, umabot sa P379 milyon ang nasira sa sektor ng agrikultura at naapektuhan dito ang 6,403 ektarya ng taniman at 7,930 magsasaka.

Gayundin, sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Capiz, sa sektor ng aqua-fisheries, umabot sa P22.7 milyon o 600 ektaryang palaisdaan, 579 ektarya ng fresh water, at 52 ektarya ng brackish water na produksyon ang apektado.

Agad namang nagpalabas ang administrasyon ni Gov. Fredenil “Oto” Castro ng Quick Response Fund (QRF) para sa mga apektado ng El Niño.

 Ang probinsya ng Capiz ay itinuturing na seafood capital. Mary Anne Sapico