Nasa yugto pa rin ng “pakiramdaman” ang mga cardinal elector, dahilan kung bakit wala pa ring napipiling bagong Santo Papa sa unang gabi ng conclave, ayon sa isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ayon kay Fr. Francis Lucas, CBCP Director for Broadcast, wala pang pagkakataon sa kasaysayan na may nahalal na Papa sa unang round ng conclave.
“Mula pa kay Pope Pius XII, wala pang napipiling Papa sa unang araw ng conclave,” ani Lucas.
Matapos ang unang round ng pagboto, binibigyan umano ng sapat na panahon ang mga cardinal elector upang mag-isip at makipag-usap bago magsimula ang susunod na round ng halalan.
Paliwanag ni Lucas, kinakailangang makakuha ng two-thirds majority ng boto ang isang cardinal upang maitalagang bagong Papa. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)