BENGUET — Swak sa kulungan ang apat na lalaki matapos maaresto sa isang anti-illegal drugs buy-bust operation sa bayan ng La Trinidad, Benguet kahapon, Mayo 7.
Naganap ang operasyon bandang tanghali sa pakikipagtransaksyon ng mga suspek sa mga operatiba mula sa pinagsanib na puwersa ng PDEA-CAR RSET (lead unit), PDEA-CAR Ifugao Provincial Office, Baguio/Benguet Provincial Office, Regional Intelligence Operating Team, at PDEG-SOU.
Ayon sa PDEA-CAR, ang apat na naarestong suspek ay may edad na 25, 36, 25, at 32. Dalawa sa kanila ay mula sa Santol, La Union, habang ang dalawa pa ay mula sa Tublay, Benguet.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 30 piraso ng tubular-shaped packing ng marijuana leaves na may kasamang stalks at fruiting tops.
Tinatayang 30,000 gramo o 30 kilo ang bigat ng nasabat na kontrabando, na may kabuuang halaga na P3.6 milyon.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Rolando S. Gamoso)