Home OPINION CASH BUMUHOS SA VOTE BUYING

CASH BUMUHOS SA VOTE BUYING

NAGKAKUWARTA ang maraming botante ngayong halalan.

Pero sa kalahatan, para sa mga lokal na kandidato.

‘Yun bang === mula konsehal at mayor, hanggang kongresman, bokal at gobernador.

Karaniwang hindi binabanggit ang mga partylist at senador bagama’t lumilitaw na kanya-kanyang pili na lang sa mga ito ang mga botante.

Pinakamahalaga ang mga lokal na kandidato, lalo’t magkakamag-anak, magkaka-angkan, magkaka-klasmeyt, magkakaibigan, magkukumpare o magkukumare ang mga botante at kandidato.

SIRA LAHAT SA PERA

Sa gitna ng lahat, lumilitaw na sira naman lahat ng mga relasyon sa dugo, sosyal at edukasyonal dahil sa pag-iral ng pera.

Kung sinasabi ng iba na blood is thicker than water, iba sa halalan.

Money is thicker than blood kahit pa sa mga magkakadugo at lalo na sa mga sosyal at edukasyonal na relasyon.

Kung sino ang namimigay ng pera, malamang na iyon ang iboboto ng mga botante.

Halimbawa namang nagbigay lahat ang mga magkakalabang mayor, ‘yung nag-abot ng mas malaking halaga ang makakukuha ng boto mula sa pamilya.

Tanggap lang nang tanggap ang mga botante.

Katwiran ng marami sa mga ito, “Kilala lang naman tayo sa halalan at pagkatapos, mahirap na silang hagilapin.”

P500 MINIMUM

Sa sumbong ng ating Uzi, mga Bro, sa mga ordinaryong bayan, minimum na P500 kada botante ang bigayan.

Pero tira-tira na lang ang P500 ng team leader.

May umaabot sa P2,000 bawat botante ngunit dumarating lang sa kanila ang P1,000 at naiiwan sa bulsa ng mga team leader ang P1,000.

Nagkakabukingan ito kapag nagsama-sama ang mga team leader sa mga pulong na ipinatatawag ng mga bata nina mayor at gobernador.

At doon na nagkakatampuhan o nagsisiperan ng bunganga upang hindi umabot kina mayor at gob ang problema.

At alam ba ninyong nagkakapera rin maging ang mga simbahan o kaya’y mga pari, pastor at iba pa?

Ang abuloy sa simbahan o church lumolobo tuwing halalan.

Lalo na kung ang mga kandidato ang binigyan ng parte sa misa, pagsamba at iba pa gaya ng pagbasa ng bibliya o iba pang parte ng worship.

Kaya nga, napapasipag o todo-balimbing sa relihiyon ang maraming kandidato para makaparte sa milagro sa botohan.

PERA TANGGAPIN, KONSENSYA SUNDIN

Sabi naman ng advisers na sumusulpot kahit saan, “pera tanggapin, konsensya sundin.”

Pero lumilitaw na wala yatang konsensya at ang pera ang kaluluwa ng halalan.

Ang saklap niyan, mga Bro.

BABAWI MUNA

Kaya naman, makaraan ang halalan, napakahirap nang hagilapin ang nanalo at lalong mahirap hagilapin ang natalo.

Sa susunod na halalan na lang ulit madaling lapitan at hagilapin ang mga ito.

PERSONAL VS SISTEMA

Dito natin naalaala ang lungsod na binago ang ugnayan ng mga botante at gobyerno at politiko.

Matapos manalo ang kilala kong mayor, isinentro nito ang mata ng mga taong nangangailangan sa iba’t ibang departamento ng kanyang lungsod.

Doon pupunta at humingi ng tulong sa mga departamento at hindi sa kanya na personal.

Doon lumago ang relasyon ng gobyerno at mga tao, hindi ang relasyong mayor at tao.

Naging maunlad ang lungsod sa sistemang ito.