
ALAM ba ninyo na isa sa mga pumuputok na negosyo ngayong halalan ang paputok, lalo na ang mga kwitis at fireworks?
Kapag nakatitiyak kasi ang isang kandidato na panalo siya kahit hindi pa nagsisimula ang botohan at counting, bumibili na siya ng mga paputok.
Sa oras na sa huling presinto ay lamang na siya, diyan na magsisiliparan ang mga kwitis o fireworks hindi lang sa kanyang compound kundi sa kanyang mga headquarter.
Pumapalya lang ang paputok kung may tabla o nagkadiperensya ang counting na nagreresulta ng protesta at agarang pagsasampa ng kaso para harangin ang proklamasyon.
Ang isang nakaiiyak na kalagayan ng mga kandidato, may panalo sa propaganda.
Halimbawa ang labanan sa pagkakongresman sa isang lalawigan malapit sa Metro Manila, biglang lumagablab ang balita na ang nag-iisang lumalaban sa nakaupong kongresman ay umatras na.
Napakahirap apulahin ang balitang ito pinag-uusapan pa rin kahapon, araw ng halalan.
Hindi naging sapat ang kanyang pag-deny na umatras siya sa ‘miting de avance’ na kanyang idinaos noong Biyernes ng gabi, lalo’t wala siyang gaanong suporter mula sa mga mayor sa ilang bayan na sakop ng kanyang distrito.
Kinambalan pa ang propaganda ng mga lihim na paggapang ng mga alipores na kapitan ni kong na higit na marami kaysa alipores ng humahamong kongresman.
Kung ano ang iginagapang ng mga kapitan ng barangay, hindi na sikret.
Nahihirapan nga ang Commission on Elections sa pagpapalitaw kung ano ang iginagapang nina kapitan sa kawalan ng testigo.
May mga pinupuntahan nga mismo ang Comelec na gapangan ngunit isang araw lang, nagsisiatrasan na ang mga testigo.
Ang sumbong o paputok sa vote-buying ay hindi maririnig lalo’t ayaw ng mga tao ang mag-aksaya ng panahon sa mga imbestigasyon at pagdinig ng Comelec sa mga kasong ito.
Tanging ang mga paputok sa huli ni incumbent kongresman ang aalingawngaw, lalo na kung mabilis pa sa kidlat ang pagproklama sa kanya ng Comelec officer.