Home OPINION ‘WAG IPAGBILI ANG IYONG BOTO

‘WAG IPAGBILI ANG IYONG BOTO

MAKISALI na rin ako sa mga nagpapaalala na sana ngayong tutungo tayo sa ating mga presinto para maghalal ng mga kandidato na bagong huhulma sa ating bayan, tayo ay magdasal muna.

Bigyan sana tayo ng tatag ng konsensya upang hindi tayo madaling masulsulan ng mga amuyong na bubuntot at susunod sa atin at tuturuan tayo kung sino ang iboboto.

Bago lumabas ng ating mga bahay ay gumawa na tayo ng listahan ng ating mga ihahalal para hindi na malito at masulsulan pa.

Maging handa tayo “physically, mentally, at spiritually” sa pagganap ng kanya-kanyang papel sa paghubog sa kinabukasan ng ating bansa.

Bilang mamamayan ng bansang Pilipinas, tungkulin nating lahat na protektahan ang ating balota.

Harapin natin ang araw ng halalan na dala-dala ang malinis na konsensya at matatag na pangako sa sariling ipaglalaban ang ating demokrasya.

Gamitin natin ang ating karapatan sa responsableng pagboto sa pamamagitan ng pagpili ng mga lider base sa merito, integridad, at ‘yung mga totoong gumaganap nang mabuti para sa bayan– hindi lamang batay sa popularidad o political gimmicks.

Bago bumoto, kilalanin natin ang mga kandidato. Iboto natin sila hindi dahil sa anomang kapalit kundi dahil sa tayo’y naniniwala na siya ay may malaking magagawa, hindi lang para sa ating sarili, kundi para sa buong bayan.

Ipaglaban natin ang dangal ng ating boto. Tayong mga botante ang may hawak ng kapangyarihan na baguhin ang takbo ng ating bansa.

Bumoto nang tama, gamitin ang konsensya. Wag sayangin ang boto sa mga kandidatong dorobo.