Home NATIONWIDE Cassandra Ong ‘di sumipot sa Senate probe

Cassandra Ong ‘di sumipot sa Senate probe

MANILA, Philippines- Hindi nakadalo si Cassandra Li Ong sa panibagong Senate investigation nitong Lunes dahil nasa isang ospital pa siya sa Taguig City.

Noong Huwebes, hindi rin dumalo si Ong sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate justice and human rights subcommittee sa umano’y pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa pagkakataong ito, hindi nakapunta si Ong sa imbestigasyon ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Base sa committee secretary, nagpadala ng liham ang Senate committee on women kay Speaker Martin Romualdez na hinihiling ang presensya ni Ong na nasa ilalim ng kustodiya ng Kamara.

Bilang tugon, sumulat din ang joint committee on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts sa Senate panel at ipinagbigay-alam dito na aprubado ang hirit nito subalit naka-confine pa sa ospital si Ong.

“Please know that this request has been approved by the Joint Committee. However, please be informed that Ms. Ong is still confined at a hospital in Taguig. Our latest update is that she may be discharged from confinement either tonight or Tuesday,” saad sa liham.

Tinukoy si Ong na authorized representative ng sinalakay na POGO firm sa Porac, Pampanga.

Kasintahan din siya ni Wesley Guo, kapatid umano ni Alice.

Nadakip sina Ong at kapatid ni Alice na si Shiela ng Indonesian authorities at ibinalik sa Pilipinas noong Agosto 22. RNT/SA