Home NATIONWIDE PBBM: Wala pang US extradition request para kay Quiboloy

PBBM: Wala pang US extradition request para kay Quiboloy

MANILA, Philippines- Wala pang request mula sa United States government ukol sa extradition ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes.

“The extradition request is not yet there,” pahayag ni Marcos sa isang ambush interview sa Palace reporters, binanggit na kailangan munang dumaan sa local judicial process.

Nauna nang sinabi ng pulis na sumuko si Quiboloy sa Davao City matapos siyang bigyan ng ultimatum na sumuko sa loob ng 24 oras.

Nahaharap si Quiboloy sa kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Nahaharap din siya sa non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, as amended, sa Pasig court.

Bukod dito, may kinahaharap ding reklamo ang KOJC founder sa US– conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling.

Itinatanggi naman ni Quiboloy ang lahat ng alegasyon laban sa kanya. Sinabi ng kanyang abogadong si Atty. Israelito Torreon, na sumuko ang religious leader upang matigil ang “lawless violence” sa KOJC compound.

Mula pa Agosto 24 ay sinubukan na ng mga pulis na magsilbi ng arrest warrants laban kay Quiboloy sa KOJC compound. RNT/SA