Home NATIONWIDE Castro kay Imee Marcos sa ‘impakta’ video: ‘It takes one to know...

Castro kay Imee Marcos sa ‘impakta’ video: ‘It takes one to know one’

4
0

MANILA, Philippines – NIRESBAKAN ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang naging pahayag sa video na inilabas ni Sen. Imee Marcos, araw ng Martes, Hulyo 28, kung saan nabanggit na mayroon umanong “ICC” sa loob ng Malakanyang.

Sa nasabing video, nabanggit ang kahulugan ng letrang I ng tinutukoy na ICC, na inilarawan bilang impakta—at bigla na lamang itong naputol sa katagang “Clai.”

Kaya naman ang hula at komento ng mga netizens sa nabanggit na video ng senadora, tila tumutukoy daw ito sa kasalukuyang press officer na si Usec. Claire Castro.

“Yong ganoong salita, hindi ko kasi siya sinasabi, hindi ko siya nababanggit kaya kay Maricel ko na pinabanggit. Hindi ako sanay sa mga ganoong salita. Hindi ako normal na nagsasalita ng ad hominem sa kapwa ko. So, kung sila ang nakapag-describe ng ganoong salita, alam nila kung ano ang ibig sabihin nito; alam nila ang deskripsyon ng salitang impakta,” ang winika ni Castro.

“It takes one to know one, kaya kung sila ay affected sa aking mga nababanggit dahil tayo’y kumakalaban sa fake news, at iyan ang kanilang pananaw, isang impakta ang kumalaban sa fake news. Sino ngayon ang naglalarawan ng totoong impakta? ‘Yong gumawa ng video? ‘Yong kasama sa video? ‘Yong nagdirek ng video? ‘Yon ang masasabi nating naglalarawan sa salitang ‘yan,” diing pahayag pa ni Castro.

Pinawi naman ni Castro ang pangamba ng iba na baka maagaw na niya ang korona sa pagiging impakta mula kay Imee Marcos.

“Huwag silang mag-alala, ang korona ay nasa kanila—na kay Senator Imee at sa mga grupo nila; at hindi natin kayang agawin ito mula sa kanila. Wala ako sa kalingkingan ni Senator Imee para sa ganiyang klaseng deskripsyon. Sila ay nasa maximum level,” pagtatapos ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here