Home NATIONWIDE Catapang: Halos 20 Bilibid guards sinibak sa pagkawala ng PDL

Catapang: Halos 20 Bilibid guards sinibak sa pagkawala ng PDL

MANILA, Philippines- Nasa 20 jail guards sa New Bilibid Prison (NBP) ang sinibak sa pwesto matapos mawala si Michael Angelo Cataroja, isang person deprived of liberty (PDL), ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gregorio Catapang Jr. nitong Biyernes.

Inihayag ito ni Catapang nang manindigan siyang tumakas si Cataroja mula sa national penitentiary at nais ng kanyang ina na sumuko siya kay Senator Raffy Tulfo.

“Mayroon tayong stakeout sa Angono, Rizal kung nasaan ang bahay ng nanay ni Cataroja. May development din don. Sinasabi ng mga tao, at of course sa interview ng nanay ni Cataroja ay gusto raw isuko kay Senator Raffy Tulfo,” pahayag ni Catapang sa isang panayam.

Ukol sa jail guards, sinabi ni Catapang, “Under investigation po sila at of course, wala na muna sila sa posisyon… mga guwardiya po lahat, about 20.”

Base sa opisyal, naka-duty ang jail guards na ito nang mawala si Cataroja. Tumanggi siyang tukuyin sila habang iniimbestigahan pa.

“Medyo ‘Mission Impossible.’ Ang sinasabi nila sumakay daw sa basurahan. Marunong ito kumalikot ng sasakyan. Kumbaga kahit walang susi kaya n’ya — carnapper po kasi ito eh,” paglalahad pa ni Catapang hinggil kay Cataroja.

Sa parehong panayam, sinabi ni Catapang ang pinapayagang pera na maaaring makuha ng PDL mula sa virtual wallets ay tinapyasan mula P2,000 sa P1,000.

“Meron kasi ‘yung GCash na pinapa-review din. Pinababa ko muna, dati P2,000 weekly, [ngayon] P1,000 lang muna,” aniya.

Aniya, isa ito sa mga hakbang na ipinatupad matapos ihirit ng mga senador sa pagdinig na ayusin ang NBP.

Kapwa naglunsad ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado at Kamara sa mga problema sa loob ng NBP, kasama ang umano’y mass grave sa loob ng septic tanks sa pasilidad at ang pagkawala ni Cataroja mula July 15. RNT/SA