Home NATIONWIDE Catholic Church magbabayad ng $76M sa daan-daang biktima ng sex abuse sa...

Catholic Church magbabayad ng $76M sa daan-daang biktima ng sex abuse sa Canada

CANADA – Magbabayad ang Catholic Church ng $76 milyon sa daan-daang biktima ng sexual abuse sa eastern Canada, ayon sa pahayag na inilabas nitong Biyernes, Hulyo 5.

Noong 2020 ay napag-alamang responsible ang Archdiocese of St. John sa isa sa pinakamalaking child sex abuse scandals sa Canada, particular na sa Mount Cashel Orphanage, na dating boy’s orphanage sa Newfoundland at Labrador province.

Napag-alaman ng korte na nakaranas ng pang-aabusong sekswal mula sa mga pari at iba pang opisyal ng simbahan ang mga bata sa naturang bahay-ampunan mula pa noong 1940 at nagpatuloy pa ng ilang dekada.

Nasa kabuuang 292 biktima ang makatatanggap ng kabayarang mula 55,000 hanggang 850,000 Canadian dollars, ayon sa ulat ng AFP.

Kinuha ang accounting firm na Ernst & Young bilang third-party intermediary upang tukuyin ang halagang ipagkakaloob sa bawat biktima.

“People didn’t really grasp the scale of the problem and how widespread the abuse was,” sinabi ni Geoff Budden, isa sa mga abogadong nagrerepresenta sa mga biktima.

Noong 2021 ay nagdeklara ng bankruptcy ang Archdiocese of St. John sa kabila ng pagkakaroon ng 40 million Canadian dollars mula sa mga napagbentahang gusali na kanilang pag-aari. RNT/JGC