Home NATIONWIDE Cayetano pumalag sa paglaglag ng 3 articles of impeachment: ‘Di parehas ang...

Cayetano pumalag sa paglaglag ng 3 articles of impeachment: ‘Di parehas ang laban’

1
0

MANILA, Philippines – Inihambing ni Sen. Alan Peter Cayetano nitong Martes ang desisyon ng prosekusyon na bawiin ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa isang suntukan kung saan sinuntok ang isang partido ngunit pinagbawalan gumanti.

“Kumbaga sa suntukan, sinuntok niyo na yung defense, then sasabihin niyo, ‘To save time, huwag na kayong gumanti,'” ani Cayetano sa ika-39 na araw ng impeachment trial.

Sinabi ni Cayetano na hindi siya komportable sa galaw ng prosekusyon at iginiit na dapat pahintulutan ang depensa na maglabas ng ebidensya upang sagutin ang mga akusasyong naibahagi na sa Senate impeachment court.

Kinuwestiyon niya ang katwiran ng prosekusyon na makakatipid sa oras at resources ng gobyerno ang pagbawi sa tatlong articles, dahil gumugol na ito ng 38 araw sa paglalahad ng ebidensya bago nagdesisyong iatras ang mga kaso.

Nagastos na ang resources ng gobyerno sa pagdinig, ani Cayetano, at kung isang article lang pala ang hahabulin ay dapat noon pa lang ay sa unexplained wealth article na lamang nakatutok ang prosekusyon.

Kinuwestiyon din niya ang mungkahing maaaring gamitin ng depensa ang ibang plataporma para ilahad ang ebidensya nito, at tinanong kung maaari bang magpa-subpoena ang impeachment court ng mga testigo para dumalo sa Facebook Live sessions o press conference ng respondent.

Binigyang-diin ni Cayetano na ang impeachment ay hindi lamang prosesong hudisyal kundi may aspetong pulitikal din na may implikasyon sa reputasyon ng opisyal na nahaharap sa reklamo.

Aniya, dapat unahin ng Senado ang pagiging patas at due process kaysa madaliin ang pagtatapos ng paglilitis, at binigyang-diin na walang itinakdang deadline ang Konstitusyon para tapusin ang impeachment trial.

Binanggit din niya ang legislative workload ng Senado, kabilang ang deliberasyon sa panukalang 2027 national budget, gayundin ang pangamba sa super El Niño, mga hindi natatapos na flood control projects, at sitwasyon ng ekonomiya ng bansa.

Nagbabala si Cayetano na huhusgahan ng kasaysayan ang mga magiging aksyon ng impeachment court, anuman ang maging hatol na conviction o acquittal kay Duterte. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here