MANILA, Philippines – Tinawag na katawa-tawa at hindi kapani-paniwala ni Sheila Sison, lead counsel ng respondent, ang mungkahi ni Batangas Rep. Gerville Luistro na maaaring gumamit ng ibang plataporma si Vice President Sara Duterte para sagutin ang mga ebidensyang iniharap ngunit kalaunan ay binawi ng prosekusyon.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis kay Duterte nitong Martes, muling pinuna ni Sison si Luistro matapos itong sumagot sa tanong kung magiging patas ba sa depensa kung hindi sila papayagang kontrahin ang ebidensya dahil lamang sa pagbawi ng prosekusyon sa Articles I, III, at IV.
Sinabi ni Luistro, na lead public prosecutor, na maaaring humanap ng ibang plataporma ang depensa kung ang intensyon nito ay pabulaanan ang mga ebidensyang nailahad.
“Binigyan din ang depensa ng pagkakataong makilahok sa pamamagitan ng kanilang mahaba, malawak, at masusing cross-examination […] At kung ang nais ng depensa ay maibahagi ang lahat ng ebidensya na mayroon sila, maraming plataporma silang maaaring gamitin, kung ang intensyon lamang ay ibahagi ito sa publiko,” ani Luistro.
“To be frank, it sounds ridiculous to even suggest to the respondent na ‘hey, after 38 days, present namin ang lahat ng mga tao na sa tingin namin ay kayang magbigay ng damage sa iyong reputasyon, at kayang mag-identify ng dokumento na gusto naming marinig ng taumbayan’,” sagot ni Sison.
“Pero ang gagawin namin sa bandang huli ay iwi-withdraw namin lahat ito, at sasabihin na lamang namin na ito ay para sa taumbayan, para may kaunti namang kabilisan ang trial na ito. But nonetheless, may iba ka namang platform, respondent.’ That is the messaging that the prosecution seems to want to impart before the public and before this honorable court; it is unbelievable,” dagdag niya.
Tinanong ni Sison kung nais ba ng prosekusyon na pumunta sa social media si Duterte para sagutin ang mga akusasyon, gayong inilatag ang ebidensya sa harap ng korte.
Kung ito ang kaso, sinabi ng lead counsel ng respondent na malinaw na may mali sa proseso.
“Platform for the respondent? Gusto ba talaga ng prosekusyon na pumunta lang ang respondent sa Facebook, and where else, matapos nilang sirain ang bise presidente sa harap ng publiko? At ngayon ang sasabihin ay tutulungan ang taumbayan para mamadali ang proseso?” tanong ni Sison.
“Sa tingin ko hindi natin kailangan ng higit pang patunay na something really, really wrong is going on here,” aniya.
Iginiit din ni Sison na desisyon ng prosekusyon ang pagbawi sa Articles I, III, at IV at hindi ito dapat makaapekto sa estratehiya o intensyon ng depensa.
“But let us be clear, whatever is the decision of the prosecution on how to manage its case or how to secure its case, and whether it thinks that its case can survive on one article alone, and that they do not need to offer evidence on Articles I, the confidential funds, and Article IV, the grave threats, and Article III on bribery and corruption, that’s their call. That’s their lookout,” dagdag niya.
Nauna nang nagbabala si Sison na maaaring magkaroon ng mistrial kung papayagan ng impeachment court ang prosekusyon na bawiin ang tatlong articles at epektibong pigilan si Duterte na kontrahin ang mga ebidensyang nailahad na.
Sa simula ng pagdinig nitong Martes, sinabi ni Luistro na bukod sa Article III o alegasyon na sinuhulan ni Duterte ang mga opisyal ng Department of Education, hindi na itutuloy ng prosekusyon ang Article I o mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential fund sa Office of the Vice President; at Article IV o grave threats laban sa matataas na opisyal.
Nangangahulugan ito na Article II lamang, o alegasyon ng unexplained wealth, ang ihaharap ng prosekusyon sa formal offer of evidence nito.
Gayunman, ang isyu sa desisyon ng prosekusyon ay naibahad na ang Articles I at IV — ibig sabihin, naisapubliko na ang mga testigo at dokumento.
Noong Lunes, tinapos ng impeachment court ang talakayan sa Article II matapos tapusin ng depensa ang cross-examination kay financial forensic analyst Alexander Cabrera — ang huling testigo ng prosekusyon.
Naglabas si Cabrera ng ilang mabibigat na akusasyon sa ulat nito hinggil sa financial transactions ni Duterte, tulad ng alegasyong hindi idineklara ng bise presidente ang P817,874,867 sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sinabi ni Cabrera na conservative amount lamang ang P817.8 bilyon na hindi idineklara sa SALN ni Duterte, dahil maaari umanong umabot sa P1.5 bilyon ang unexplained wealth kung isasama ang P475 milyon na confidential funds at gagamit ng hindi gaanong conservative na pagtasa sa mga kuwestiyonableng transaksyon.
Sinabi ni Cabrera, na expert witness ng prosekusyon sa impeachment trial, na maaaring kabilang sa karagdagang halaga ang P100 milyon sa kuwestiyonableng Anti-Money Laundering Council (AMLC) transactions at P250 milyon na may kinalaman sa Gencorp Industries Inc.
“Almost double… P1.5 billion. That will be unexplained wealth,” ani Cabrera nang tanungin. Ernie Reyes