MANILA, Philippines – Binibigyan ng iba’t ibang pagkakataon at magagawa ang Senate impeachment court, ayon kay Senator-judge Alan Peter Cayetano.
Sa kabila nito ay sinabi niyang, “but just because it can doesn’t mean it should.”
Ang opinyong ito ni Cayetano ay kasabay ng usap-usapang posibleng maibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos sabihin ng kampo nito na walang articles of impeachment sa impeachment court dahil ibinalik ito sa Kamara.
“Dalawa ang pinag-uusapan. What can be done and what should be done. Magkaiba yun. So ang sinasabi ni SP, can be dismissed. That’s the reality that the Senate acts through its members and majority wins,” pahayag ni Cayetano nitong Huwebes, Hunyo 26.
“Anong limitation doon? We cannot do anything unconstitutional kasi pag yan ay may grave abuse of discretion amounting to lack or nawalan ng jurisdiction, pwedeng baliktarin yung decision namin ng Supreme Court.”
“Now just because you can, it doesn’t mean you should di ba,” dagdag pa ni Cayetano.
“So we really have to take a deep breath and think what’s best for the country.”
Ito ang dahilan aniya kung bakit karamihan sa senator-judges ay pumayag na ibalik ang articles of impeachment sa halip na ibasura ito agad-agad.
Dahil sa hakbang na ito, sinabi ni Cayetano na makikita nila kung may paglabag sa one-year bar rule, at kung interesado pa ang 20th Congress na isulong ang impeachment complaint.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Senate President at impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero na walang nagbabawal sa mga senator-judge para magpresenta ng mosyon.
“Lahat naman puwede, tandaan niyo pakitaan niyo ako ng batas, ng rule na nagsasabing bawal itong mosyon na ‘to. Wala namang bawal na motion. Wala namang bawal na kahilingan. Wala namang bawal pag-usapan. Wala pa ‘kong nakitang rule na gano’n,” ani Escudero.
“Karapatan ninoman na hilingin base sa kaniyang paniniwala anumang nais niyang hilingin kapagka ‘yan ay gusto niyang pagbotohan dahil may nag-object, ‘di pagbobotohan,” dagdag pa niya.
“Lahat naman nga kasi talaga posible. Uulitin pero puwede rin namang babaliktarin ko. Puwede ring may mag-motion halika na wag na tayong mag-trial, convict na natin ngayon na. They can also move that. I cannot prevent that from happening. But I will not vote for that. But ‘di ba so lahat no’ng mga motion na ‘yon puwede naman. Huwag lang kayo mag-focus sa motion to dismiss kasi puwede rin motion to convict,” pagpapatuloy ni Escudero. RNT/JGC