MANILA, Philippines – Suportado ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda ang pagpasa bilang isang batas ng Konektadong Pinoy Act, na matatandaang tinututulan ng iba’t ibang telecommunications industry stakeholders.
“We’ve already endorsed it, me and Secretary [Arsenio] Balisacan of DEPDev [Department of Economy, Planning, and Development], we’re awaiting the schedule on when it will be taken to Malacañang,” pahayag ni Aguda sa informal briefing sa Quezon City nitong Huwebes, Hunyo 26.
“Mataas ang chance na matutuloy na ‘yun,” dagdag ng DICT chief.
Nilinaw naman niya na hindi nito balak na unahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa magiging desisyon nito.
Kabilang sa mga kritiko ng Konektadong Pinoy Act ay ang Philippine Chamber of Telecommunications Operators (PCTO), na binubuo ng mga nangungunang telco sa bansa, at ang Philippine Association of Private Telecommunications Companies (PAPTELCO).
Nanawagan ang PCTO na suriin ang niratipikahang bersyon ng panukala na may banta umano sa national security at nagpapahina ng regulatory oversight sa mga bagong papasok sa connectivity service sector ng bansa.
Hinimok naman ng PAPTELCO si Marcos na i-veto ang panukala sa banta sa national security dahil hindi na oobligahin ang mga bagong player para kumuha ng legislative franchise.
Sa ilalim ng panukala, hindi na obligado ang bagong data transmission players na kumuha ng legislative franchise o Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN).
Ani Aguda, “there’s no denying that Konektadong Pinoy will increase competition in the industry… and nobody is going to deny that [increased] competition will be good for the industry.”
“Konektadong Pinoy squarely addresses affordability because the more competition… the public will have more choices, which would bring down prices,” pagpapatuloy niya.
Idinagdag pa ni Aguda na makikinabang pa nga rito ang mga malalaking telco mula sa pinataas na kompetisyon dahil makukuha nito ang mga kita mula sa end-users sa wholesale ng bagong entrants.
“Actually maganda nga ‘tong Konektadong Pinoy sa major telcos kasi ‘yung mga magtatayo para sa ‘middle mile’ makikigamit ng kanilang broadband service kasi hindi naman sila magtatayo ng transmission na malaki eh… So malilipat ang revenue nila from retail to maybe wholesale,” pahayag ni Aguda.
Pagdating naman sa pangamba sa national security at iba pang isyu, sinabi ng DICT secretary na ang ICT Department at attached agency nitong National Telecommunications Commission (NTC), ay tutugunan ito sa paglikha ng implementing rules and regulations (IRR) sa oras na maisabatas ang panukala.
“We just have to be very exacting on the specific concerns of the industry. What I was hearing were… one is national security… we hear them and we’ll address that with the help of the telcos. Another concern was… spectrum refarming… the NTC will set the specific regulatory [oversight] on frequency allocation,” sinabi ni Aguda. RNT/JGC