Home NATIONWIDE CBCP sa pamahalaan: Programa vs HIV paigtingin

CBCP sa pamahalaan: Programa vs HIV paigtingin

MANILA, Philippines – Inaasahang posibleng tumaas pa sa 2030 sa halos 402,000 mula sa higit 215,000 ngayong taon ang bilang ng mga Pilipinong may HIV, ayon sa Simbahan Katolika.

Dahil dito, hinimok ng healthcare ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pamahalaan upang higit pang paigtingin ang pagsusulong sa mga programa hinggil sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).

Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Healthcare executive secretary, Camillian Father Rodolfo Vicente Cancino, dapat na tutukan ng gobyerno partikular ng Department of Health ang mga suliraning panlipunang nakakaapekto sa kalusugan ng mga pamayanan lalo na ang mga mahihirap.

Ginawa ng pari ang panawagan kaugnay ng paggunita sa International AIDS Candlelight Memorial (IACM) upang alalahanin ang mga pumanaw dahil sa HIV/AIDS, gayundin ang pagbibigay-pugay sa mga naglaan ng buhay upang kalingain ang mga apektado ng karamdaman.

Ibinahagi rin ng pari ang patuloy na diskriminasyon na nagiging hadlang para sa mga may HIV/AIDS na magpatingin at malunasan ang karamdaman.

Iginiit ng pari na sa halip na pangilagan, ang mga may pinagdaraanang karamdaman ang higit na nangangailangan ng karamay at pagkalinga upang muling madama ang pag-asa at pagtanggap ng lipunan.

Ang IACM ay ipinagdiriwang tuwing Mayo partikular na sa ikatlong linggo ng buwan, taon-taon upang alalahanin ang mga pumanaw dahil sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) sa pamamagitan ng pagtitirik ng mga kandila at pag-aalay ng panalangin.

Tema ng IACM ngayong taon ang “Together We Remember, Together We Heal, Through Love and Solidarity.”

Sa huling datos ng DOH, umabot na sa 3,410 ang naitalang kaso ng HIV/AIDS sa unang bahagi pa lamang ng 2024, kung saan 82 rito ang naiulat na nasawi. Jocelyn Tabangcura-Domenden