Home HOME BANNER STORY CCG nagdagdag ng barko malapit sa Zambales

CCG nagdagdag ng barko malapit sa Zambales

MANILA, Philippines – Nagdeploy ng karagdagang barko ang Chinese Coast Guard (CCG) na tila suporta sa iba pang sasakyang-pandagat na umaaligid sa karagatan malapit sa Zambales, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sinabi ng PCG na naispatan ang CCG-3304 sa layo mula sa CCG-3103, na nakaposisyon sa 90 hanggang 100 nautical miles ang layo mula sa baybayin ng Zambales.

Samantala, ang CCG-5901 o kilala bilang ‘monster ship’ ay nasubaybayan din ilang milya ang layo mula sa CCG-3103.

Pinipigilan ng 44-meter BRP Cabra ng PCG ang CCG-3103 na makalapit sa baybayin ng Zambales.

Gumamit ang CCG-3103 noong Sabado ng long range acoustic device (LRAD) para guluhin ang PCG sa unang pagkakataon.

Ang LRAD ay inilarawan ng mga tauhan ng PCG bilang isang aparato na gumagawa ng mataas na antas ng decibel na maaaring makasakit at makapinsala sa pandinig.

Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela noong Linggo na ang CCG 3103, na nakita noon sa layong 93 nautical miles sa baybayin ng Zambales, ay nag-radio challenges at hiniling sa BRP Cabra na lisanin ang lugar.

Aniya, nagbanta pa ang CCG na “magsagawa ng mga kinakailangang hakbang” kung saan ang PCG ay kailangang “pasanin ang mga kahihinatnan” kung hindi sila aalis.

Sinabi ni Tarriela na ang babala ng CCG ay malinaw na nagpapahiwatig ng pagnanais ng China na magpataw ng isang bagong kautusan na sumisira sa internasyonal na sistemang nakabatay sa mga patakaran.

“They appear intent on reverting to a system where might dictates what is deemed right, allowing powerful countries to impose their interests at the expense of others’ rights and jurisdictions,” saad ni Tarriela.

Wala pang inilalabas na panig ng Embahada ng Tsina hinggil sa usapin. Jocelyn Tabangcura-Domenden