MANILA, Philippines- Nagsagawa ng pagpapatrolya ang China Coast Guard sa Scarborough Shoal sa South China Sea nitong Biyernes ayon sa ulat.
Ang CCG ay nagpapatuloy sa pagpapalakas ng law enforcement patrols sa katubigang sakop at paligid ng Scarborough Shoal itong buwan ng Disyembre.
Hindi naman agad tumugon ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa kahilingan para sa komento.
Ang Scarborough Shoal, na tinatawag ding Bajo de Masinloc o Panatag Shoal sa Pilipinas ay isang triangular coral reef formation na napapalibutan ng lagoon.
Ito ay sikat sa mayamang tubig at yamang-dagat.
Matatagpuan ang shoal sa layong 124 nautical miles mula sa Masinloc, Zambales, at itinuturing na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas, batay sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa kabila ng desisyon ng Hague-based Permanent Court of Arbitration (PCA), hindi pa rin ito kinilala ng China at patuloy na inaangkin ang soberanya sa Shoal na tinawag nilang Huangyan dao at itinuturing na bahagi ng Zhingsha Islands.
Sa unang bahagi ng buwang ito, nagsumite ang China sa United Nations (UN) ng isang pahayag sa mga baseline ng territorial sea nito na may kasamang chart na nagpapakita ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal bilang bahagi ng teritoryong karagatan nito.
Ang Philippine Mission to the United Nations, sa pangunguna ni Ambassador Antonio Lagdameo, gayunman ay mariing iginiit na ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng teritoryo ng bansa sa kabila ng mga pag-angkin ng China.
Binigyang-diin ni Ambassador Lagdameo na ang 1982 UNCLOS at ang binding 2016 Arbitral Award on the South China Sea ay nagsisilbing pundasyon ng pag-angkin ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Binanggit din ni Lagdameo sa UN ang mga bagong batas ng Pilipinas na may kaugnayan sa maritime zones at archipelagic sea lanes.
Noong Disyembre 19, namataan ang 12 barko ng China sa baybayin ng Bajo de Masinloc at nagsagawa rin ng air patrol noong Disyembre 20.
Binigyang-diin ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang mga sasakyang pandagat ng PCG at BFAR [Bureau of Fisheries and Aquatic Resources] aircraft ay boluntaryong umalis sa lugar matapos makumpleto ang kanilang misyon na magbigay ng mga suplay sa mga mangingisdang Pilipino hindi dahil sa anumang pagtataboy ng Chinese coast guard. Jocelyn Tabangcura-Domenden