MANILA, Philippines- Nagbabala ang Department of Health (DOH) ang publiko tungkol sa panganib na dulot ng paggamit ng paputok habang papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Sa abiso nitong Biyernes, binanggit ng DOH ang nakaaalarmang bilang ng mga kabataan na nasasangkot sa paggamit ng paputok na kadalasang nagreresulta ng injuries.
Binanggit ng DOH ang potensyal na kahihinatnan ng paggamit ng paputok na kinabibilangan ng kamatayan, amputation o pagpuputol sa daliri, kamay o paa, pagkabulag o matinding eye irritation, hearing loss na sanhi ng malakas na pagsabog, permanenteng pinsala sa baga at iba pang organs, pagkalason mula sa paglunok ng paputok, burns o skin lesions.
Hinimok ng DOH ang publiko na manatiling disiplinado upang maiwasan ang firecracker-related injuries.
Paalala ng DOH, bantayan ang mga bata at pagbawalang gumamit ng paputok lalo na ang Boga, 5-Star, at Piccolo na pangunahing sanhi ng aksidente mula sa paputok.
Nitong Disyembre 27, nakapagtala na ng 101 firecrackers-related injuries sa buong bansa ayon sa datos ng DOH.
Karamihan sa mga kaso ay dulot ng ilegal na paputok partikular ang nabanggit na mga papuok.
Pinag-iingat din ni Domingo ang publiko sa paggamit ng legal fireworks tulad ng kwitis dahil kapag hindi marunong sa paggamit nito ay magdudulot pa rin ng problema. Jocelyn Tabangcura-Domenden