MANILA, Philippines – Sinabi ng Cebu provincial government nitong Martes, Nobyembre 11 na nagpasa na ito ng mga dokumento sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa imbestigasyon sa umano’y foreign trips ng ilang opisyal sa pananalasa ng Bagyong Uwan.
“We have submitted already the request of the documents to the DILG upon their order,” sinabi ni Cebu Assistant Provincial Administrator Aldwin Empaces sa panayam ng GMA News.
Siyam na opisyal kabilang ang walong alkalde at isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang may scheduled foreign trips patungong United Kingdom.
Natanggap ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang dokumento ng mga opisyal at pinirmahan ito noong Setyembre.
Bagamat nakatanggap ang lahat ng siyam na opisyal ng authority to travel mula sa gobernador, apat sa kanila ang hindi nakatanggap ng aprubadong foreign travel authority mula sa portal ng DILG.
Isa sa siyam na opisyal ang nagkansela ng kanyang foreign trip.
Nauna nang kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla na inabisuhan niya ang Cebu provincial government na ipasa ang mga rekord ng lahat ng foreign travel authorities na iginawad sa mga opisyal kasabay ng imbestigasyon.
Matatandaan na noong Nobyembre 8 ay inatasan ng DILG ang lahat ng elective at appointive local officials na kanselahin at suspendihin ang lahat ng kanilang foreign travel mula Nobyembre 9 hanggang 15 bilang paghahanda sa hagupit ng Bagyong Uwan. RNT/JGC