MANILA, Philippines – Arestado ang isang security guard nitong Lunes, Nobyembre 10 matapos umanong barilin nito ang katrabaho kasunod ng inuman sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ang biktima ay kinilalang si “Jin,” 21-anyos na college student, isan ring security guard na nakatira sa Tabigue, Abuyog, Leyte.
Nagtamo ito ng tama ng bala sa mukha at dibdib na kasalukuyang nagpapagaling sa vEastern Visayas Medical Center (EVMC).
Dahil dito ay sinimulan ng Police Station 1 (PS1) ng Tacloban City Police Office (TCPO) ang imbestigasyon sa insidente na iniulat naman alas-6 ng umaga.
Ang suspek na kinilalang si “Chie,” isang 38-anyos na security guard din mula sa Brgy. Campetic, Palo, Leyte, ay nagbigay umano ng maling salaysay sa mga imbestigador.
Sinasabi nito na nakarinig umano siya ng putok ng baril mula sa guardhouse at naabutan si Jin na duguan kasama ang caliber .38 firearm na nasa sahig.
Ayon naman kay Jin, siya ay nabaril.
Sa kabila nito, sa follow-up interview kay Jin kalaunan ay pinasinungalingan nito ang naging pahayag ni Chie.
Salaysay ng biktima, nag-iinuman sila nina Chie at isa pang campus janitor na si “Mak” sa guardhouse bago nangyari ang pamamaril.
Nagpakita ng hindi kanais-nais na mga salita at aksyon si Chie at sinabi pang “Pamamatayon ko kamo.”
Nakatulog umano ang biktima at nagising na lamang sa putok ng baril.
Nakita nito si Chie na nakatayo sa harap niya hawak ang isang armas at saka siya pinaputukan ulit sa mukha hanggang sa nawalan na siya ng malay.
Agad na inaresto si Chie. Nakumpiska rin ang dalawang caliber .38 na Smith & Wesson revolver na pinaniniwalaang armas na ginamit sa insidente.
Dinala na ang suspek at mga armas sa PS1, TCPO para sa tamang disposisyon at paghahain ng reklamong kriminal. RNT/JGC