MANILA, Philippines – Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes, Nobyembre 11 na gumagawa na ito ng agarang hakbang para isaayos ang nasirang flood-control structures ng Bagyong Uwan.
Ayon kay MMDA Chairperson Don Artes, ang nasirang istruktura ang nakadagdag sa mga pagbaha.
“Nasabi namin na walang major na baha, but we spoke too soon dahil may dalawa pong insidente. Unang una na po diyan ‘yung sa Navotas, nag-overtop o umapaw na po ‘yung tubig galing sa coastal ng bridge po ‘yung navigational gate pero minimal naman po ‘yung epekto noon,” ani Artes.
Nakadagdag din sa pagbaha sa Navotas ay ang nasirang flood wall sa coastal area.
“Dahil ‘yan daw po ay nabangga ng isang barko noong nakaraang bagyuhan at ‘yun pong temporary na inilagay nilang sandbag ay medyo nagiba dahil meron pong storm surge na naitulak ‘yung mga sandbags kaya po pumasok pumunta po sa community,” ayon sa opisyal.
Nagtamo rin ng pinsala ang Paco Pumping Station sa Maynila.
Ayon sa MMDA, nagsimula ang proyekto noong Pebrero 2022 at opisyal na itinurn-over sa ahensya noong Nobyembre 2024.
“Nag-meeting na po ‘yung contractor, ‘yung consultant niyan, ‘yung DPWH and ‘yung MMDA para agarang magawa. Iniiisipan na po ng paraan na temporarily, malagyan po ng harang,” ani Artes.
“Bumabaha po ngayon dun sa lugar kahit po walang ulan, ‘yan po ay dulot ng high tide, nagfo-flow backward ‘yung tubig papunta po sa kalsada. Rest assured na pinipilit pong ayusin bago po dumating yung next na weather disturbance natin,” dagdag pa niya. RNT/JGC