Nanguna si Adrian Eleazar Go ng Cebu Institute of Medicine sa Physicians Licensure Examination na isinagawa noong Marso, ayon sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission (PRC).
Nagtala si Go ng pinakamataas na marka na 87.75%, dahilan upang manguna sa 1,901 pumasa mula sa kabuuang 3,827 kumuha ng pagsusulit na isinagawa ng Board of Medicine sa iba’t ibang testing centers sa Metro Manila, Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legazpi, Lucena, Pampanga, Rosales, Tacloban, Tuguegarao, at Zamboanga.
Samantala, kinilala bilang top performing school ang Xavier University matapos makapagtala ng 46 passers mula sa 57 examinees, batay sa kategoryang may hindi bababa sa 50 examinees.
Ayon pa sa PRC, dalawang resulta ng pagsusulit ang pansamantalang ipinagpaliban habang hinihintay ang pinal na desisyon ukol sa posibleng pananagutan ng mga ito batay sa umiiral na mga regulasyon ng licensure examinations.
Makikita ang kumpletong listahan ng mga nakapasa sa March 2025 Physicians Licensure Examination sa opisyal na website ng PRC. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)