Home NATIONWIDE 2 sundalo utas, isa sugatan sa Basilan ambush

2 sundalo utas, isa sugatan sa Basilan ambush

Basilan – Dalawang sundalo ang nasawi habang isa pa ang sugatan matapos silang tambangan ng mga armadong kalalakihan habang sakay ng motorsiklo noong Biyernes sa Barangay Dugaa, bayan ng Tuburan.

Kinilala ang mga nasawing sundalo na sina Sergeant Reymark Bation at Corporal Jordan Daquipel, kapwa miyembro ng 18th Infantry Battalion ng Philippine Army. Sugatan naman si Corporal Richivie Flores at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Ayon kay Lt. Gen. Antonio Nafarrete, commander ng Western Mindanao Command, patungo sana sa kanilang command post sa Barangay Lahi-Lahi ang tatlo nang sila’y biglaang pagbabarilin.

Tinangay ng mga salarin ang mga baril ng mga biktima bago mabilis na tumakas.

“These soldiers faced danger not for glory, but out of duty—to protect our people, to secure our land, and to uphold peace in Basilan,” pahayag ni Nafarrete.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng militar at pulisya upang matukoy at madakip ang mga salarin. (Mary Anne Sapico)