Calamba, Laguna — Isa ang nasawi habang lima ang sugatan sa isang karambola ng walong sasakyan na naganap noong Linggo ng gabi sa Barangay Real at Crossing Barangay Uno.
Kinilala ang nasawi na si Jowel Balanac, 40-anyos, truck driver mula Tayabas, Quezon. Sugatan naman ang kanyang mga pahinante na sina Ronel Rato Quinto, 42, at Ryanel Buela, kapwa mula Tayabas.
Kasama sa mga nasugatan ang tatlong babaeng pasahero sina Lea Wang Panao, 37; Ellen Alterado Cai, 43, mula Muntinlupa; at Marie Grace Entera Castanos, 48, mula Gen. Trias, Cavite.
Ayon sa paunang ulat ng Calamba City Police, pasado alas-11:56 ng gabi nang mawalan ng preno ang Isuzu Dropside truck (plaka TCS-721) na may kargang sako-sakong kopra. Bumangga ito sa poste ng footbridge at naging sanhi ng sunod-sunod na banggaan ng pitong iba pang sasakyan.
Kabilang dito ang Fuso Wing Van (NEO-1419), Isuzu Jeepney (DX-8446), Mitsubishi Adventure (NAS-5087), Toyota Vios (DAPP-3726), Yamaha Sniper (898-DCC), Toyota Innova (PIM-870), at Ford Territory (NFF-4084).
Dinala sa ospital ang mga sugatan, ngunit si Balanac ay binawian ng buhay habang nasa biyahe pa lamang.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente. (Mary Anne Sapico)