Ipil, Zamboanga Sibugay — Patay ang apat na katao, kabilang ang mag-ama, matapos makuryente habang naglilinis ng isang balon sa Barangay Tiayon, iniulat ng Ipil Municipal Fire Station.
Kinilala ang mga nasawi na sina Norben Cañete, Sr., Norben Cañete, Jr., Jayson Gandawan, at Renjear Velez.
Ayon sa imbestigasyon, ginagamit ng mga biktima ang isang submersible water pump habang nililinis ang balon na may lalim na 28 talampakan. Aksidenteng naapakan ni Cañete, Sr. ang linya ng kuryente at agad itong nangisay bago mahulog sa balon.
Tinangka siyang sagipin ng kanyang anak at dalawang kapitbahay, ngunit maging sila ay nakuryente rin at hindi na nakaligtas.
Bandang 7:20 PM natanggap ng mga otoridad ang ulat hinggil sa insidente. Agad namang nagtulong-tulong ang mga miyembro ng lokal na pamahalaan upang iahon ang mga bangkay mula sa balon.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad hinggil sa pag-iingat sa paggamit ng mga kagamitang de-kuryente, lalo na sa mga delikadong lugar gaya ng balon. (Mary Anne Sapico)