Home NATIONWIDE Celibacy ‘di aabandonahin ng simbahan

Celibacy ‘di aabandonahin ng simbahan

MANILA, Philippines- Mananatiling mahalagang disiplina sa mga lingkod ng simbahan ang celibacy.

Sa pastoral visit ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, pinawi nito ang agam-agam ng ilang mananampalataya hinggil sa pag-apruba ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Permanent Diaconate na pinangangambahang magiging daan para pahintulutang magkaroon ng asawa ang mga pari.

“The Church will never abandon celibacy; you should not be afraid of that because celibacy of the priesthood is absolutely integral to the church’s discipline,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.

Ayon kay Archbishop Brown, bagama’t pinahihintulutan ang mga may asawa sa permanent diaconate, hindi ito nangangahulugang magbabago ang pananaw at turo ng simbahan hinggil sa celibacy ng mga pari at binigyang-diin na dadaan sa masusing proseso at konsultasyon sa mga maybahay ang mga may asawang nagnanais maglingkod sa simbahan bilang permanent deacon.

“Permanent Diaconate is not an innovation. It’s always part of the church’s life,” wika ng nuncio.

Matatandaang September 2023 nang aprubahan ni Pope Francis ang kahilingan ng CBCP na magkaroon ng permanent diaconate sa Pilipinas habang nitong nagdaang 129th plenary assembly ng mga obispo ay inaprubahan ang Ratio for Permanent Deacon na magsisilbing gabay sa pagpapatupad nito sa bansa.

Kabilang sa isinasaad sa Ratio na hindi obligado ang simbahan o ang mga diyosesis na bigyan ng sahod ang permanent deacons kaya kabilang sa mga dapat isaalang-alang ng mga nagnanais maglingkod sa bokasyon ay ang pagiging economically stable na makasasapat upang suportahan ang sariling pangangailangan.

Sinabi naman ni Archbishop Brown na matapos maaprubahan ng CBCP ang Ratio ay ipadadala ito sa Vatican para sa pormal na pag-apruba ng Santo Papa.

Kabilang sa mga gawain ng permanent deacon ang pagpapahayag ng Ebanghelyo, homiliya sa mga banal na misa, paggawad ng sakramento ng binyag, pagdadala ng banal na komunyon sa mga may karamdaman, paggawad ng sakramento ng kasal (kung pahihintulutan ng obispo) at pakikibahagi sa mga kawanggawa at pastoral ministry ng Kristiyanong pamayanan. Jocelyn Tabangcura-Domenden