MANILA, Philippines – Sumasang-ayon ang 75% ng mga Filipino adults sa buong bansa sa pagbabawal sa paggamit ng cellphones sa mga eskuwelahan.
Ito ang makikita sa survey na kinomisyon ni Senador Sherwin Gatchalian.
Isinagawa ang Pulse Asia survey mula June 17 hanggang 24 ngayong taon, makikita na 13% ang hindi sang-ayon sa gadget ban sa eskuwelahan at 11% ang hindi naman masabi kung sang-ayon o hindi sila sa gadget ban.
Ang panukalang ipagbawal ang cellphones sa mga eskuwelahan ay nakakuha ng 80% suporta sa National Capital Region, 89% sa Balanced Luzon, 61% sa Visayas, at 81% sa Mindanao.
Kabilang sa socioeconomic classes, ang panukala ay nakakuha ng suporta mula sa Classes ABC, 80%; Class D, 76%, at Class E na may 71%.
Ang survey ay gumamit ng multi-stage probability sample na 1,200 adult respondents, tig-300 sa NCR, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang survey ay mayroong 95% ‘level of confidence’ na may margin of error na +/- 3% sa kabuuang Philippines level at +/- 6% sa geographic area level.
Sinabi pa ng mambabatas na ipinapakita sa survey na nakikita ng mga filipino ang pakinabang ng pagpapatupad ng gadget ban, lalo pa’t ang maabala ng mobile phones sa mga eskuwelahan ay iniuugnay sa “poorer learner performance.”
“Malinaw na suportado ng ating mga kababayan ang ating panukala na ipagbawal ang paggamit ng mga cellphones sa mga paaralan, lalo’t na’t ang paggamit nito sa oras ng klase ay maaaring makapinsala sa kanilang pag-aaral. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng cellphone sa oras ng klase,” ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate basic education committee.
Tinukoy naman ni Gatchalian ang analysis ng Senate panel sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan natuklasan na 8 mula sa 10 Filipino learners na may edad na 15 ang napaulat na ‘distracted’ sa klase dahil paggamit ng mga ito ng kanilang smartphones, habang 8 mula sa 10 ay napaulat na ‘distracted’ sa paggamit ng smartphone ng ibang estudyante.
Isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na maipagbawal na sa mga klase ang paggamit ng smartphones at electronic devices sa oras ng klase.
Sa inihaing Senate Bill 2706 o ang panukalang Electronic Gadget-free Schools act ni Gatchalian, minamandato ang Department of Education (DepEd) na magbalangkas ng mga pamantayan na magbabawal sa paggamit ng mobile devices sa loob ng mga paaralan sa oras ng klase.
Magiging sakop nito ang mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Maging ang mga guro ay pagbabawalan rin na gumamit ng cellphone at gadgets sa klase sa ilalim ng panukala.
Paliwanag ni Gatchalian, bagamat mahalaga ang papel ng mobile devices at gadgets sa edukasyon ay may masamang epekto rin ito sa pag-aaral ng mga estudyante dahil nakakaabala ito sa oras ng pag-aaral.
Dagdag pa dito, nauugnay rin ang access ng mga kabataan sa gadgets sa pagbaba ng kanilang grades at sa cyberbullying.
Sa kabilang banda, kinikilala naman ng mambabatas na may pagkakataon ring maaari pa ring gumamit ng smartphones at electronic devices.
Gaya na lang aniya sa mga classroom presentation at iba pang classroom activities gayundin sa oras ng emergency. RNT