MARIING itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Marbil nitong Lunes na political pressure ang nasa likod ng pagpapabalik sa mga security aide ni Vice President Sara Duterte.
“Wala pong political pressure. Ang ginagawa po natin is to really rationalize yung deployment ng PNP natin,” ani Marbil sa isang Senate hearing.
Sinabi ng PNP Chief, hindi lang security detail ni Duterte ang binawi kundi pati ang iba, maging ang mga “classmates na heneral.”
Ipinaliwanag ni Marbil na nais nilang gawing propesyonal ang PNP Police Security and Protection Group, na nagpapatunay na mayroong “perceived threat” bago ang kanilang deployment, at paramihin ang kanilang mga tao sa ground.
“We have to rationalize our people. We have to account for them. With regard po sa iba, lahat po tinanggal natin because we don’t see any threat sa mga ibang tao at ang sinasabi ko nga, kung meron pong reason, ibibigay po. natin,” sabi ng PNP Chief sa kanyang testimonya sa Senado.
“Wala po siyang threat. Wala po kaming nakita. She is being loved by our people,” sabi pa ng PNP chief.
Nang tanungin ni dating PNP Chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung walang banta laban kay Duterte sa kabila ng malakas na paninindigan nito laban sa CPP-NPA, ipinaliwanag ni Marbil na ang seguridad ni Duterte ay pinangangasiwaan ng Presidential Security Command (PSC). (Santi Celario)