MANILA, Philippines – Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso laban sa dalawang indibidwal na sangkot sa online prostitution ng limang biktima — tatlo sa kanila ay mga menor de edad.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nag-ugat ang operasyon ng NBI Lal-Lo District Office (LALDO) sa online sexual activity na iniaalok ng mga biktima sa social media.
Sa isang press conference, iniharap ni Santiago ang magkapatid na nanay ng mga biktima na sangkot sa online exploitation kung saan nagbebenta ng mahahalay na larawan, video at live na pakikipagtalik ng kanilang sariling mga anak.
Nadiskubre aniya ang insidente matapos na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang Homeland Security Investigation Agency ng Amerika.
Sinabi ni Santiago na nahuli sa akto ang mga suspek sa operasyon ng NBI Violence Against Women & Children Division sa Caloocan City kaya naman 14 na patung-patong na mga kaso ang isinampa ng NBI laban sa mga ito.
Bukod sa dalawang buwang gulang na sanggol, kabilang sa mga nasagip ang anim na mga minors na nagkaka-edad ng katorse, sampu, pito at dalawang taong gulang.
Itinurn over na sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 at Regional Anti-Trafficking Task Force ang mga menor de edad. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)