Home HOME BANNER STORY Cendaña pumalag sa ‘ngiwi’ comments sa social media: Dahil sa stroke

Cendaña pumalag sa ‘ngiwi’ comments sa social media: Dahil sa stroke

MANILA, Philippines – Ipinaliwanag ni Akbayan Party-List Rep. Perci Cendaña ang patungkol sa mga komento ng mga netizen kaugnay sa kanyang itsura.

Si Cendaña kasi ay nakatanggap ng kritisismo online dahil sa kanyang pag-suporta sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang mga batikos na ito ay kinabilangan pa ng mga personal nang pag-atake laban sa kanya.

Sa mga comment, pinuna ng mga tao ang kanyang tabinging mukha na tila naka-ngiwi umano.

“‘TABINGI ANG MUKHA’ ko dahil ang ‘BAKLANG NGIWI’ na ito ay stroke survivor. Yakap na mahigpit sa mga kapwa ko stroke survivor,” sinabi ni Cendana sa isang post.

Dagdag pa rito na nag-komento rin umano si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at sinabing lapitan siya “so your face will be even.”

“Mhie, sasapakin daw ako ng isang senador? Ang ‘tapang’ naman ni koya. Sana ganyan din siya katapang laban sa China sa WPS at sa pagharap sa ICC,” saad sa hiwalay na post ni Cendaña.

“Hindi ito biro — tahasang pambabastos ito, lalo na sa isang taong buong tapang na humarap at nalampasan ang matinding hamon sa kanyang kalusugan,” sinabi naman ni dating Senador Leila de Lima.

Ani De Lima, ang komento ni Dela Rosa ay pambabastos sa posisyon ni Cendana bilang isang elected official.

“Ipinapakita ng ganitong asal kung bakit kailangang piliing mabuti ang mga namumuno sa ating bayan.” RNT/JGC