MANILA, Philippines – Walang umanong nakikitang dahilan si Senate President Francis “Chiz” Escudero para magdaos ng special session sa pagsasagawa ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Senate President, walang legal na basehan para mag-convene ang Senado at Kamara para sa impeachment trial.
Kasalukuyan kasing naka-session break ang Kongreso.
“Sa ilalim ng Saligang Batas puwedeng magpatawag ang pangulo sa anumang oras. Sa ilalim ng Saligang Batas puwede magpatawag ang speaker at senate president ng special session para magpasa ng mahahalagang panukalang batas,” pagbabahagi ni Escudero sa panayam ng DWIZ.
“Automatic na mag-co-convene ang Senate at ang House kapagka nagdeklara ng martial law ang pangulo, kapagka bumoto ang mayorya ng gabinete na hindi na po kayang gampanan ng pangulo ang kaniyang tungkulin, kapagka natanggal ang vice president o ang pangulo at naging pangulo ang vice president kung saan kailangan pumili ng ikalawang pangulo. ‘Yon lamang ang mga pagkakataong automatic na mag-co-convene ang Senado at ang Kamara.”
Ani Escudero, ayon sa Konstitusyon, ang special sessions ay para lamang sa mahahalagang legislative exercise.
“Upon agreement of the Speaker and the Senate President para magpasa ng mahahalagang panukalang batas… hindi binanggit ng saligang batas ang pagkakaroon ng impeachment trial,” anang Senate President.
Tinukoy din niya ang legal na mga proseso sa pagsasagawa ng aktwal na trial.
“Marami pang kailangang gawin rules and regulations ng impeachment pag-re-require sa mga partidong sumagot magsasagutan pa ‘yan dadaan sa pretrial lahat ‘yan… kaya nga pretrial and hindi pa trial. ‘Yong actual na trial bago kami dumating do’n mahaba pa ang proseso,” ani Escudero.
Dapat umanong makatanggap ng magkakaparehong pagtrato ang lahat ng impeachable officials.
“Espesyal ba si VP Sara paratuhin naming espesyal ito? Tulad ng ibang impeachable officers lamang siya sa mata namin at walang dahilan para dahil sa kaniya’y madaliin ito o dahil sa kaniya ipagpaliban ito,” sinabi pa ni Escudero.
“Gagawin namin ‘yong tamang dapat naming gawin ng hindi ito minamadali pero hindi rin labis na pinagpapaliban. Ulitin ko hindi ko papakinggan ‘yong mga afritadong gusto mong magsimula ang trial dahil galit sila kay VP Sara dahil gusto siyang ma-impeach. Hindi ko rin papakinggan ‘yong ayaw mag-trial dahil pabor sila kay VP Sara at ayaw nilang ma-impeach siya. Partesanong mga grupo at tao ‘yan na hindi dapat pinapansin kaugnay sa paggawad namin ng hustisya sa trabaho namin bilang impeachment court.”
Sa kabila nito, iginiit ni Escudero na hahawakan ng Senado ang impeachment case laban kay Duterte nang naaayon sa due process at hindi ito mamadaliin.
“Hindi po namin trabaho na i-convict siya, di rin po namin trabaho na i-acquit siya. Trabaho po namin na tiyaking magagawaran siya ng hustisya. Trabaho po namin na tiyaking credible at kapani-paniwala at paniniwalaan ng sambayanan ang proseso,” sinabi pa niya.
“Itinalaga ang proseso na ito para papanagutin ang ating opisyal. Marapat ay simulan na ito, nang ito ay matapos. Matapos nang hindi minamadali,” dagdag nito.
Samantala, sinabi ni Senator Joel Villanueva na papayag lamang siya na magsimula ang impeachment proceedings kung mayorya ng mga senador ang humiling ng special session.
“Wala pa po akong narinig ni isang senador na humihingi ng special session. Ako personally, ‘di ako magre-request ng special session but if the president is requesting majority of our colleagues wanting a special session I have no problem with it. I’m willing to comply,” aniya. RNT/JGC