MANILA, Philippines- Binuksan na sa publiko ng bagong NAIA Infra Corp. (NNIC), ang operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang centralized hub sa Terminal 3 para sa ride-hailing services at metered taxi ng transport network vehicle service (TNVS) operators nitong Linggo.
Matatagpuan ang naturang hub sa multi-level parking building sa Terminal 3, na may 401 parking slots, 18 loading bays, at dedicated lane para sa TNVS, na may maraming entry at exit point upang matiyak ang tuloy-tuloy na pamamahala sa trapiko.
Ayon kay NNIC general manager Lito Alvarez, ang central hub ay nagkaroon ng soft launch noong Huwebes, Disyembre 5, at naging ganap na noong Linggo, Disyembre 8, 2024, bago ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa panahon ng Pasko.
Bahagi ng nasabing centralized hub ang tatlong pangunahing operator ng TNVS, ang Grab Philippines, JoyRide, at Angkas na nakatuon sa pag-deploy ng mga airport pickup driver.
Nabatid na dadalhin ng JoyRide ang kanilang grupo sa hub simula Martes, Disyembre 10.
Sinabi ng NNIC na nakapagtala ito ng apat na taong mataas na dami ng pasahero at flight sa panahon ng Undas, umaabot sa 932,405 na pasahero at 5,627 na flight sa pagitan ng Oktubre 29 at Nobyembre 4, 2024. Nagtala ito ng 87.99% on-time performance (OTP) para sa mga arriving flights.
Matatandaang ang NNIC, binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp., ay kinuha ang operasyon ng NAIA noong Setyembre 14, 2024.
Una rito, hinimok nito ang mga pasahero na magtungo nang mas maaga sa paliparan upang bigyan ng oras ang security at check-in procedures, alinsunod sa paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa long weekend ng Undas. JR Reyes