HABANG mabilis na lumalapit ang Pasko, dumadalas naman ang sunog.
At laging totoo ang kasabihang, manakawan ka na ng ilang beses, huwag ka lang masunogan.
Ito’y dahil karaniwang mas kakaunti ang natatangay ng magnanakaw na ari-arian kaysa sa sunog.
Sa sunog kasi, tupok lahat.
Ang sunog, matindi rin kung kumalawit ng buhay.
Kung hindi ka maging abo, swerte ka kung may pagkakilanlan sa iyo kapag namatay ka sa sunog.
Libre kung mag-cremate ang sunog pero paano kung isinama nitong ma-cremate ang buong tahanan?
Diyan na nakikita, mga Bro, ang libo-libong hindi basta makaalis sa mga evacuation center, gaya ng libo-libong biktima ng sunog mula sa Isla Putting Bato, sa Tondo, Manila.
At napakahirap, sa totoo lang, ang mabuhay sa evacuation center.
MGA PATAY SA SUNOG
Kamakalawa, anim ang namatay sa sunog sa Sampaloc, Manila.
Apat umano ang may edad at dalawa ang bata.
Isang 5-anyos bata naman ang nakulong sa nasunog ng tubohan ng asyenda sa Barangay Tu-oy, Himamaylan City, Negros Occidental on Nobyembre 26.
Walang nakaaalam kung bakit naroon siya sa gitna ng tubohan noon.
Noong Nobyembre 13, 2024, nalitson nang buhay si Expedito Gaganting, 70, at nasawi siya mismo sa kanyang bahay sa Barangay Tumaga, Zamboanga City.
Nasa 15 pamilya naman ang nawalan ng tahanan.
Birthday naman ni Amelita Gicana, 84 anyos at retiradong titser nang malitson ding nang buhay habang natutulog sa sunog sa Barangay Aguisan, Himamaylan City, Negros Occidental.
Naswerte at walang nasawi sa sunog sa Tacloban City, Leyte ngunit 22 pamilya ang nawalan ng tahanan Barangay 80, Marasbaras noong Nobyembre 27.
Sa Metro Manila, maswerte rin ang walang nasawi sa nasa 10,000 nasunugan sa Isla Puting Bato.
Pero mabigat talaga ang masunugan.
SUNOG SA PASKO
Hindi kaila sa lahat na kapag Kapaskuhan hanggang 3 Kings, marami talaga ang sunog.
Kasama sa mga nasusunog ang mga tindahan at gawaan ng paputok.
At kapag nangyari ito, grabe ang mga pinsala.
Sa mga gawaan ng paputok, may mga hindi idinedeklarang patay.
Idinedeklara lang ang mga may pagkakilanlan pero kung nadurog na ang buong katawan at pira-piraso na lang ang makikita at nasa mga bubong ng mga bahay, dahon ng mga puno at iba pa, hindi na kasama ang mga ito sa listahan.
Ganito rin ang nagaganap sa mga tindahan ng paputok na walang palatandaan kung saan napunta ang mga katawan ng mga biktima.
Magtanong pa kayo sa mga imbestigador na pulis.
May nasusunog din dahil sa overheat ng appliances at gadget.
Very busy kasi ang mga tao sa paghahanapbuhay sa paggawa ng mga kalakal na pampasko, kasama na ang komunikasyon.
Dito nag-o-overheat ang appliances, gadget, charger at faulty electrical wiring.
MAG-INGAT, MATUTO VS SUNOG, MATULUNGAN
Hindi lang dapat mag-ingat ang mga tao o lumaban mismo sa sunog kung meron na nito.
Dapat na matuto ang mga tao kung paano pigilin din ang pagkakaroon ng sunog.
Makatutulong dito ang mga bumbero sa mga seminar laban sa sunog.
At ang pagtutulungan laban sa sunog at sa mga nasunugan, huwag kalimutan.