SA wakas ay makapagtatayo na ng mga evacuation center sa bawat lungsod o munisipalidad sa pagsasabatas sa Republic Act 12076, o ang Ligtas Pinoy Centers Act.
Sa tuwing may kalamidad o pagkatapos nito, kung hindi gymnasium ay ginagamit ang mga paaralan bilang pansamantalang tirahan ng mga bakwit, hindi rin naman tiyak kung ligtas ba talaga.
Nagagambala ang pag-aaral ng mga bata dahil ang kanilang paaralan ay ginawang bahay ng mga bakwit.
Ngayon dahil sa nasabing batas, magtatayo na ng mga pasilidad na may kakayahang makatugon sa pangangailangan ng mga bakwit sa panahon ng sakuna.
Ang mga sentro ay dapat na “kumpleto sa kagamitan” o may mga pangunahing pangangailangan tulad ng sapat na tulugan, tubig at kalinisan, kuryente, sapat na bentilasyon at access sa telekomunikasyon.
Matagal na sana tayo mayroong ganitong mga evacuation centers. Ang silangang seaboard ng bansa ay nakaharap sa Karagatang Pasipiko at kadalasang nagdadala ng mga tropikal na bagyo na nagbubunga ng malaking pagbaha, nakamamatay na pagguho ng lupa at mapangwasak na daluyong.
Ang monsoons ay nagdudulot din ng malalakas na pag-ulan na sanhi ng flash flood at mudslides.
Bukod sa mga pag-ulan o bagyo dahil sa pagbabago ng klima, ang Pilipinas ay nasa kahabaan ng Pacific Ring of Fire, isang seismically active belt kung saan karaniwan ang mga lindol at pagsabog ng bulkan.
Sa paglagda sa Ligtas Pinoy Centers Act, titiyakin ang pagtatayo ng mga evacuation center na dapat ay makatutugon sa “required minimum standards” partikular sa National Building Code.
Yun bang, evacuation centers na tunay na mailalagay ang ating mga kababayang nabiktima ng kalamidad sa maayos na kalagayan habang nagsisikap na sila ay makabangon mula sa pagkalugmok.
Sana din, siguruhin na walang mga buwayang makapapananamantala sa pagtatayo ng mga gusaling ito.
Halimbawa, dapat tiyaking ang makukuhang kontraktor sa mga bakwitang ito ay hindi mga kawatan o hindi masasawsawan ng mga pulitikong negosyante.
Batid naman natin na kapag napasukan ng pulitiko ang isang proyekto ng gobyerno, walang nangyayari dito kundi mga kapalpakan. Ang mga bakwit na naman ang magdurusa.
Baka kamukat-mukat, imbes na maging ligtas ang ating mga kababayan, ay lalo pa silang mapahamak kapag dinugas ang pondo sa pagpapagawa ng mga evacuation center.