MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand ang taunang gift-giving program para sa mga kabataang Pilipino na ginawa sa Malakanyang.
Layon nito na bigyan ng saya ang mga batang Pilipino lalo pa’t malapit na ang Pasko.
Ang programa ay tinawag na ‘Balik Sigla, Bigay Saya Nationwide Gift Giving Day, na sabay-sabay na ginawa sa iba’t ibang lugar sa bansa, layon na magbigay ng regalo sa 30,000 kabataan na may edad na 4 hanggang 12. Sa nasabing bilang, 2,000 na mga kabataan sa Malakanyang ang binigyan ng regalo.
Sa kabilang dako, kabilang sa gift set ay trolley bag, unan, medyas, kapote, tumbler, relo at face at hand towel.
Si Pangulong Marcos, kasama si Unang Ginang Lisa Araneta-Marcos at kanilang mga anak na sina Simon at Vincent, ay personal na iniabot ang gift bags sa ilang kabataan na nasa Malakanyang.
“Alam naman natin na ang Pasko, ang katunayan niyan, ay talaga para sa mga bata. Kaya’t alam ko, naramdaman ko na kaagad ang Pasko dahil andito na naman ang maiingay, malilikot, at makukulit na mga bata na kumakanta ng malakas na Christmas carol,” ang bahagi ng naging talumpati ni Pangulong Marcos.
“Welcome back sa Malacañang. Alam niyo naman na basta’t Pasko, ito’y ino-open house namin dahil ganyan talaga ang naging tradisyon sa pamilya namin, pamilya Marcos. Nu’ng bata pa ako at dito pa kami nakatira, basta’t Pasko, merong handa para sa ating maliliit na inaalagaan,” dagdag na wika nito.
Ang gift-giving program ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa iba’t ibang local government units sa Kalakhang Maynila at bahay-ampunan na suportado ang inisyatiba ng “Tulong sa Palasyo.” Kris Jose