
BUONG pagpapakumbaba na humingi ng paumanhin ang pamunuan ng motorcycle taxi hailing service na “Angkas” nang mag-viral sa social media ang ginawang pagharang ng kanilang riders sa daloy ng trapiko sa intersection ng Cainta, Rizal kamakailan upang paraanin ang kanilang convoy.
Umani ng batikos ang naturang video dahil maraming motorista ang naperhuwisyo kaya’t nang makarating ito sa kaalaman ng pamunuan ng Angkas, kaagad na humingi ng paumanhin ang kanilang CEO na si George Royeca.
Pero hindi pa man nagtatagal ang naturang pangyayari, isa na namang video ng rider na naka-uniporme ng isa pa ring ride hailing app na “Move It” ang nag-viral sa social media nang mahulicam matapos basagin ang bintana ng isang SUV at ninakaw ang gamit sa loob ng ssakyan.
Posibleng gumamit lamang ng uniporme ng naturang motorcycle taxi hailing service ang kawatan para iligaw ang mga pulis sa kanilang pagsisiyasat, pero siyempre, hindi maiaalis sa mga galit na netizens na nakapanood sa nag-viral na video na hingan ng paliwanag ang pamunuan ng Move It para alamin kung rider nila ang nasa video.
Hindi naman siguro pwedeng ikaila ng pamunuan ng naturang motorcycle ride hailing app kung talagang rider nga nila ang kawatan na nag-viral sa social media dahil may mga palatandaan tiyak sila o paraan para kilalanin kung tao nga nila ito.
Wala naman sigurong problema kung makipagtulungan dito ang Move It dahil tulad ng ginawa ng mga umabusong rider ng Angkas, kaagad na umamin ang pamunuan at humingi pa nga ng public apology at tiniyak na pananagutin nila ang pasimuno ng maling pagsasagawa ng convoy.
SA naturang video, matagumpay na natangay ng kawatang rider ang pakay na personal na gamit sa loob ng binasag na sasakyan bago mabilis na humarurot patakas.
Kung tutuusin, marami na rin talagang mga pangyayari, lalo na ng mga aksidente sa lansangan na pawang mga rider ng iba’t-ibang ride hailing app ang may kagagawan, pero sa datos ng mga ahensya ng pamahalaan, mukhang mas marami ang nasangkot na rider ng Move It dahil sa umano’y kakulangan ng wastong pagsasanay.
Sa ginawang pagdinig nga sa Senado kamakailan, inakusahan ng mga mambabatas ang Move It na over boarding na riders kaya siguro nagkukulang ang marami sa mga ito ng wastong training.
Sana, mahuli at mapanagot sa batas ang rider na nag-viral sa social media nang basagin at nakawin ang gamit sa loob ng SUV para kung hindi naman ito rider ng Move It, malinis man lang ang pangalan ng kanilang kompanya.