MANILA, Philippines- Nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P39.6 milyong halaga ng kush o high-grade marijuana na nakatago sa dalawang balikbayan box na nagmula sa bansang Canada.
Ayon sa BOC, ang mga nasabing balikbayan box ay nagmula sa Vancouver City at dumating sa Manila International Container Port (MICP) kung saan naharang ito noong Pebrero 5 makaraang makakuha ng mga intelligence reports ukol dito.
Nabatid na idineklara ang mga nasabing kahon na naglalaman ng mga gamit sa bahay at mga personal na gamit at ipadadala sana sa isang indibidwal mula sa San Mateo, Rizal.
Napag-alaman sa BOC na ang isang kahon ay naglalaman ng 56 vacuum-sealed na pouch na may humigit-kumulang 14,672 gramo ng kush at isang maliit na plastic container na naglalaman ng 60 na hindi pa nabatid na uri ng tabletas. Ang pangalawang kahon ay naglalaman ng 52 vacuum-sealed na pouch na may humigit-kumulang 13,624 gramo ng kush.
Ayon pa sa BOC, nahaharap ang mga nagsilbing consignee, senders, at recipients sa mga kaso dahil sa paglabag sa mga batas sa customs, kabilang ang ipinagbabawal na pag-import, misdeclaration, at mga paglabag sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act. JR Reyes