MANILA, Philippines- Nakatakdang ipatupad ang unified persons with disability (PWD) identification (ID) system sa pagtatapos ng taon.
“By the end of this year, meron na tayo unified ID system,” ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Ang unified PWD ID system ay hakbang ng departamento para tugunan ang paglaganap na pekeng PWD IDs.
Binatikos naman ng Restaurant Owners of the Philippines (RESTO PH) ang pang-aabuso ng PWD IDs para sa discounts sa restaurant at iba pang establisimiyento, sinabi nitong ito ay “now putting a serious strain on restaurants and other businesses.”
Sa ulat, sinalakay ng mga awtoridad ang maliit na kwarto sa Maynila kung saan ang iniimprenta umano ang pekeng PWD IDs, na ipinalalabas na inisyu ng Quezon City, Manila, Pasig, Muntinlupa, at Angat sa Bulacan.
Matatandaang nagbabala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) noong nakaraang Disyembre laban sa pagbebenta at paggamit ng huwad o pekeng PWD IDs, ang nasabing pagkilos ay katumbas ng tax evasion.
Dahil dito, nalugi ang gobyerno ng P88.2 bilyong halaga ng buwis noong 2023 dahil sa PWD IDs.
Sa kasalukuyan, ang itsura ng PWD IDs ay magkakaiba, depende sa local government unit na nagpapalabas nito. Sa unified ID system, mayroon itong ‘standard look.’
“Now that the unified PWD ID system is in its pilot implementation stage this January to June, DSWD is working on its terms of reference,” ang sinabi ni Dumlao.
Inihayag pa rin nito na nakikipagtulungan na ang DSWD sa National Privacy Commission upang matiyak ang data security sa hanay ng PWDs.
Winika pa ni Dumlao na nakikipag-ugnayan na ang DWSD sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Philippine Statistics Authority (PSA) upang masiguro ang maayos na pagpapalabas ng unified PWD IDs.
Ang bagong PWD IDs ay mayroong security features gaya ng Radio Frequency Identification (RFID) at maaaring iugnay ang establisimyento sa isang webpage portal kung saan maaari nilang iberipika ang pagiging lehitimo ng isang user.
Sa ilalim ng Republic Act 10754, “PWDs are entitled to a grant of 20% discount and VAT exemption on the purchase of certain goods and services from all establishments for their exclusive use, enjoyment or availment.” Kris Jose