Home NATIONWIDE China embassy iginiit na “illegal, null and void” ang arbitral ruling sa...

China embassy iginiit na “illegal, null and void” ang arbitral ruling sa S. China Sea; DFA nanindigan

224
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang muling pagtanggi ng Beijing sa 2016 arbitral ruling sa South China Sea, na tinawag nitong “illegal, null and void,” habang iginiit naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang nasabing ruling ay pinal at may bisa sa ilalim ng internasyonal na batas.

Sa isang pahayag, sinabi ng deputy spokesperson ng embahada na walang bisa sa China ang arbitrasyon na isinagawa ng Pilipinas, at iginiit na ang kaso ay tumalakay sa mga isyu ng teritoryal na soberanya at maritime delimitation na wala sa saklaw ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Idinagdag nito na hindi tinatanggap o kinikilala ng China ang mga arbitral awards at tutol sa anumang mga claim o aksyong nakabase rito.

Nagbabala rin ang China na ang patuloy na “provocations” ng Pilipinas sa dagat ay maaaring magdulot ng mas mataas na tensiyon, at muling inilahad na ang mga pagtatalo ay dapat lutasin sa pamamagitan ng negosasyon at konsultasyon.

Tugon naman ni Foreign Secretary Tess Lazaro na ang arbitral awards ay “both final and binding,” at inilarawan ang proseso bilang konkretong halimbawa kung paano dapat gumana ang internasyonal na batas, partikular ang UNCLOS.

“The Awards in the South China Sea Arbitration are both final and binding, and the duly constituted proceedings are a concrete example of how international law, particularly the 1982 UNCLOS, should work,” ayon kay Lazaro.

Binanggit ng DFA na sa 2015 Award on Jurisdiction and Admissibility, pinawalang-bisa ng tribunal ang pagliban ng China at sinabing hindi nito inalis ang hurisdiksyon ng tribunal, at ang pagsampa ng Pilipinas ay wastong paggamit ng compulsory dispute settlement mechanisms ng UNCLOS. Tinukoy din ng DFA ang 2016 Award on the Merits, na nagpasya na ang mga maritime claim na lumalampas sa entitlements sa ilalim ng UNCLOS — kabilang ang “nine-dash line” ng China — ay salungat sa konbensiyon at walang legal na bisa.

Dagdag pa ni Lazaro na hindi hiniling ng Pilipinas, at hindi naglabas ang tribunal, ng anumang desisyon tungkol sa teritoryal na soberanya o maritime boundary delimitation sa pagitan ng Pilipinas at China.

Nanatiling pangunahing isyu ng alitan sa pagitan ng Manila at Beijing ang arbitral ruling, habang nagpapatuloy ang tensiyon sa South China Sea, na tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here