
NOONG Martes, iprinisinta sa media ng kontrobersiyal na public relations firm na InfinitUs Marketing Solutions Inc. ang CEO nito, si Mr. Paul Li, tulad ng isang haring nakalantad sa chessboard. Pero huwag magkakamali. Ang presscon nito sa Quezon City ay isang well-rehearsed na galawang pang-damage control.
Para sa isang PR firm na inaakusahan ng pag-eespiya, isa itong matapang na hakbangin pero pang-textbook ang mensahe: tumanggi, kumambyo, at mag-drama. Totoong inamin ng kompanya na kliyente nito ang Chinese embassy. Gayunman, iginiit ng kompanya na hindi nila gawain ang mang-espiya o gumawa ng anomang bagay na iligal. Kaya, please lang, huwag daw sisihin si Li sa insidente dahil lang siya ay isang Chinese.
‘Yan ang mensaheng pilit iginigiit ng kanilang abogadong Pilipino. Lokohin mong lelang mo!
Kalimutan na ang simpleng kumustahan sa mga pantry at ang mga donasyon — pabalat-bunga lang ang presscon na iyon. Sa likod ng malamyang PR at paawang mga kwento ay isang kompanya na ang pangunahing kliyente ay ang gobyerno ng China, na lantarang nagkakasa ng psychological, legal, at public-opinion warfare laban sa Pilipinas. Pambala nito ang press statements at releases.
At kung inaakala ninyong ang ideya na ito ng pang-eespiya at pagkontrol sa naratibo ay iniilusyon lang naming mga taga-media, ito ang nangyari: Ilang araw lang ang nakalipas, ibinunyag ng National Bureau of Investigation ang isa pang “insidente” na para sa akin ay patunay nang pakikialam ng China, hindi lang sa mga karagatan, kundi maging dito sa atin mismong kabisera.
Isang hinihinalang China national ang nahulihan ng IMSI-catcher — isang spy-grade device na aakalaing cellphone tower para mag-intercept ng mobile data. Naglibot siya malapit sa Supreme Court, sa Department of Justice, sa Bureau of Internal Revenue, at maging sa Commission on Elections. Kinalap ng device ang mahahalagang impormasyon mula sa aabot sa 5,000 mobile phones. Ibig sabihin: hindi lamang sila simpleng nagma-marites — nagsasagawa sila ng paniniktik. Naniniktik sila sa mga usapan, koneksiyon, patterns — marahil maging sa mga ikinikilos ng mga botante. Ilang araw bago ang midterm elections.
Tigilan na natin ang pagpapalagay na nagkataon lang ang lahat ng ito. Hindi ito isolated. Hindi ito chessboard.
May paliwanag na sa mga nangyari ang report ng International Institute on Strategic Studies (ISS) noong 2024. Ayon sa pag-aaral nito na Disinformation Campaigns in the Asia-Pacific, ang information operations ng China ay hindi lamang para kontrolin ang naratibo — tungkol ito sa pagpakakalma ng sariling kagustuhan, pagsusulong ng pagkakawatak-watak, at pagpapasunod sa mga bansa nang hindi gumagamit ng karahasan.
Sa Pilipinas, iginigiya ng China ang diskurso gamit ang malumanay na propaganda: mga boses na pro-Beijing, mga mensaheng kontra Amerika, at papuri sa mga masunuring lokal na opisyal. Ang estratehiya? Hayaan ang mga Pilipino na pagsuspetsahan ang kani-kanilang alyansa, ang kani-kanilang punto, at kani-kanilang opinyon.
Tinawag ito ng China na “perceptual preparation of the battlefield.” Hindi na nito kailangang puwersahang mang-agaw ng teritoryo kung kaya naman nitong magkontrol ng pag-iisip — sa pamamagitan ng social media, messaging apps, online influencers, mga nagpapakalat ng fake news, at ngayon, sa panggagamit ng PR firms na nagpapanggap na “friendship builders.” Kabilang sa mga pambala nito ang Ministry of State Security, ang cyber operatives ng PLA, at ang propaganda machine nito — lahat ay araw-araw kumikilos upang isulat muli ang mga gustong makita, mapakinggan, at paniwalaan ng mga Pilipino.
Aminado maging ang Comelec na nakapaloob ito sa isang “disinformation campaign.” Pero hindi lamang ito tungkol sa pagtatanggal sa pagiging lehitimo ng mga institusyon. Ang presensiya ng spyware malapit sa mga tanggapan ng Comelec ay nagpapatindi sa hinala na direkta nang nakikialam ang China sa mismong electoral ecosystem natin. Ang operasyong nakabatay sa impluwensiya ay nagbibigay-daan sa influence engineering.
At kung magkikibit-balikat lang ang iba at sasabihing, “Well, it’s just narratives,” hindi nila nauunawaan ang punto. Binibigyang-direksiyon ng mga naratibo ang utak ng tao. Utak naman ang nag-uudyok sa mga boto. Ang mga boto ang humuhubog sa ating bansa. Alam ito ng China. Kaya naman naglalaro ito nang pangmatagalan — at mga Pilipino ang papremyo.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.