Home OPINION ABALOS, TAMANG KANDIDATO, ISAMA SA IBOBOTO

ABALOS, TAMANG KANDIDATO, ISAMA SA IBOBOTO

PLATAPORMA de gobyerno ng isang kandidato ang dapat sinusuring mabuti ng mga boboto pero siyempre kasama ang buong pagkatao ng mga pangalang kanilang isusulat sa balota sa halalan sa Mayo 12.

Talino, sipag, katapatan ang dapat na mga katangian ang mga kandidatong dapat makatanggap ng boto ng mamamayan. At iyan ang ilan sa mga taglay na katangian ni dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Gayunman, kahit pa maganda ang plataporma de gobyerno, matalino, tapat at masipag si Abalos, hindi pumapasok ang pangalan niya sa “Magic 12” ng anomang survey.

May problema. Posibleng dahil sa kinabibilangan niyang grupo o kaya naman ay kulang siya sa exposure.

Pero marami pa rin ang naniniwala na mananalo si Abalos sa halalan bilang senador at kabilang sa naniniwala sa kanya sina dating Vice President Leni Robredo at TV and movie personality Vice Ganda.

Hindi mag-eendorso ang dalawang kilalang personahe sa pulitika at entertainment kung hindi sila naniniwala sa katangian at kakayahan ni Abalos.

Totoo naman na hindi dapat pagbasehan ng boto ng mga tao ang kulay o grupong kinabibilangan. Dapat ang tingnan ay ang kakayahan ng kandidato na magserbisyo sa taumbayan.

Iyon bang magiging totoo sa kanyang pangako at handang ilaban ang mga Pilipino.

Si Abalos ay ibang-ibang sa mga kandidato na pawang pakitang-gilas lang para makatanggap ng boto. Hindi rin siya artistang kumakaway lang ay tila nakatitiyak na ng panalo.

Ilang araw na lang ang natitira at darating na ang araw ng halalan na itinuturing na tila “Araw ng Paghuhukom.”

Sabi nga “Voux Populi, Vox Dei.” Pero paano mangyayari ang “boses ng mamamayan ang boses ng Panginoon” kung ang pagbabasehan ng mamamayan ay pawang kasikatan?

Matuto na dapat ang mga Pilipino. Isulat sa balota ang pangalan ng mga kandidato sa Senado na magsisilbi sa bayan at hindi ang mangungurakot lamang.

May angking talino at may kaalaman ukol sa paggawa ng batas dapat ang nasa Senado. Si Abalos, isang abogado, ay tiyak na kikilos upang repasuhin ang mga batas na nagkaroon ng butas at palpak kaya naman nagkaroon ng ilang pagkakataon na mismong mamamayan ang nagbuwis ng buhay at naperwisyo.

Sa madaling salita, beterano sa larangan ng pulitika.

Tumaas man ang kilay ng marami, basta isasama ko sa iboboto ko sa Senado si Abalos. Bet?