
NAKAPANGINGILABOT ang mga nangyaring road crash na kumitil ng maraming buhay kamakailan. Sampu ang namatay sa SCTEX toll plaza at makalipas lamang ang ilang araw ay dalawa naman sa NAIA Terminal departure area. Hindi pa rito kabilang ang ilang sugatan na agarang dinala sa mga ospital at magpahanggang ngayon ay nagpapagaling pa.
Kaya naman agarang inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si transportation secretary Vince Dizon para sa agarang reporma upang hindi na maulit ang aksidente at pananagutin ang sinomang hindi sumunod sa batas ng transportasyon lalo na iyong mga sangkot sa nakaraang trahedya. Kabilang sa utos ang pagsasagawa ng nationwide audit tungkol sa safety at maintenance standards para sa mga bus operator.
Nagbigay din ng direktiba si PBBM sa labor department na sawatahin ang unsafe at exploitative practices sa transport sector.
Maaari nga namang may kontribusyon sa aksidente ang ‘fatigue’ na naranasan ng mga driver na sangkot sa mga tragic event. Ang isang driver daw ay nakatulog habang binabaybay ang Subic-Clark- Tarlac Expressway o SCTEX at mukhang namalikmata naman ang isa sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Bilang isang accredited occupational safety and health consultant ng Department of Labor and Employment, malaki ang ating paniniwala na kung isasabuhay at susundin ng transport sector ang OSH Law, bababa ang tyansa na mangyari ang road crash.
Kabilang kasi rito ang pagsasagawa at pagsusumite ng dokumentadong OSH program sa nakabaseng regional office ng DOLE. Naglalaman ito ng commitment ng employer, polisiya, responsibilidad, penalties, proseso o detalye ng safety management system at iba pa base sa pinaiiral na OSH standards at batas sa transport sector. Magsisilbi rin itong batayan ng compliance at preparasyon para sa isasagawang nationwide audit ng transport at labor department.
Kaya panawagan natin sa mga bus operator gayundin sa lahat ng public utility vehicle, kumuha kayo ng “experienced” safety professional para mabigyan kayo ng angkop at praktikal na gabay kung paano isasagawa at imo-monitor ang OSH program.
Sa lahat ng transport at labor inspectors, kaisa nyo kami sa paghihigpit at adbokasiya upang maisakatuparan at mapagtagumpayan ang hangarin ni PBBM.