
AMINADO si Makati City Mayor Abby Binay na kabilang sa kanyang agenda sa pagtakbo sa Senado ang makapaghiganti sa Korte Suprema dahil sa desisyon nitong ibigay ang pamamahala sa 10 EMBO Barangay, na nasa ilalim dati ng kanyang kapangyarihan, sa Taguig City,
Sa kanyang pahayag sa campaign rally sa CEMBO ni Congresswoman Pammy Zamora, sinabi ni Binay na pinag-isipan niya ang pagtakbo bilang senador at sa kanyang pagmumuni-muni ay napagdesisyunan niyang umangat ng pwesto tutal naman ay matatapos na ang kanyang termino bilang alkalde ng lungsod ng Makati.
Sinabi ng batang Binay na ang desisyon ng Supreme Court na ipagkaloob ang 10 EMBO barangay sa Taguig City ang hurisdiksyon ay nagpaiyak sa kanya ng sobra-sobra dahil wala nga siyang magawa maliban sa umiyak araw-araw.
Aniya, gusto na niyang mag-quit. Pero sa mga palatandaang nakita niya, naisip niyang tumakbo sa pagka-senador upang maiakyat ang isyu sa Mataas na Kapulungan hinggil sa desisyon ng Korte na ibigay ang 10 EMBO barangay sa Taguig City.
Giit ng alkalde ng Makati City “Dadalhin natin ang laban sa Senado.”
Noong Mayo 5, nagpalabas ng Temporary Restraining Order ang Taguig City Regional Trial Court na inuutusan si Mayor Binay na alisin ang lahat ng sagabal sa paggamit ng lahat ng government owned facilities ng 10 EMBO barangay.
Nakasaad din sa ipinalabas na kautusan ng korte na “final and executory” ang desisyon ng SC na kumukumpirma na sakop na ng Taguig City ang Barangay Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo (kabilang ang Rizal), Pitogo, Post Proper Northside, and Post Proper Southside—na kilala bilang EMBOs.
Kaya nga sakop na rin ng Taguig City ang lahat ng pasilidad ng nasabing mga barangay tulad ng health centers, covered courts, multi-purpose buildings, day care centers, parks, at iba pang nakalaan sa public use.
Matapos kasing magpalabas ng kautusan ang SC noong 2022, hindi tumalima si Binay sa kautusan at sa halip ay isinara ng Makati City ang ilang ilang health centers at day care centers kaya hindi nagamit ng taga-EMBO barangay ang pasilidad na dapat sana ay nakapaghatid ng serbisyo sa mga mamamayan ng nasabing mga barangay.