
BUONG pusong nananawagan ang Girl Scouts of the Philippines (GSP) sa bawat mamamayang Filipino lalo na sa mga kabataang rehistrado nang bumoto na gampanan ang tungkulin bilang makabayang mamamayan sa pamamagitan ng responsableng pagboto.
Ang pagboto ay hindi lamang isang karapatan, ito ay isang sagradong tungkulin. Sa bawat balotang ating ihuhulog, kasama natin ang pag-asa ng isang bansang mas maayos, mas makatao, at higit na mas makatarungan.
Ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay bahagi ng GSP. Bilang mga Girl Scout, dala namin ang mga prinsipyo ng katapatan, disiplina, serbisyo, at pagmamahal sa bayan. Sa diwa nito, hinihimok naming ang bawat botante na:
– Kilalanin at suriin ang mga kandidato — alamin ang kanilang plataporma, rekord ng serbisyo, at tunay na hangarin para sa bayan.
– Iwasan ang pagboto base lamang sa kasikatan, koneksyon, o kapalit na pera — hindi nabibili ang kinabukasan ng ating bansa.
– Igalang ang proseso ng eleksyon — maging mapagmatyag laban sa pandaraya, at itaguyod ang malinis, maayos, at mapayapang halalan.
– Maging huwaran sa kapwa — hikayatin ang iba na bumoto nang may integridad at pananagutan.
Ang kinabukasan ay nasa ating mga kamay. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito para pumili ng mga pinunong tunay na maglilingkod at magtataguyod ng kabutihang panlahat. Sa panahon ng eleksyon, maging matalino, maging mapanuri, at higit sa lahat maging makabayan.
Sa ngalan ng Girl Scouts of the Philippines, tayo’y sama-samang tumindig para sa isang bayan na pinangangalagaan at pinamumunuan ng tama.
FAKE NEWS KUMAKALAT “NO NATIONAL ID, NO VOTE”, AYON SA COMELEC
Mariing pinabulaanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang kumakalat na impormasyon sa social media na nagsasabing hindi makakaboto ang sinomang botante kung wala siyang maipapakitang National ID.
Sa opisyal na pahayag ng COMELEC sinabi nitong ang ‘No National ID, No Vote’ ay pekeng news at hindi nagmula sa komisyon, at walang ganu’ng klaseng inilabas na anunsyo.
Paliwanag ng COMELEC, hindi kailangang magpakita ng kahit anong ID sa araw ng eleksyon kung ang pagkakakilanlan ng botante ay matutukoy sa pamamagitan ng Election Day Computerized Voters’ List sa bawat presinto.
Ayon kay chairperson George Erwin Garcia, ang pagkalat ng pekeng impormasyon ay bahagi ng mga tangkang sirain ang tiwala ng publiko sa darating na May 12, 2025 National and Local Elections.
Sabi ng COMELEC chairperson, makaboboto ang sinomang rehistradong botante na ang pangalan ay naka-lista sa Election Day Computerized Voters’ List, o sa mga nakatanggap ng voter’s information sheet, o nakita ang kanyang pangalan sa online precinct finder.
Bagaman hindi kailangan ng ID. Ipinayo na rin ni chairperson Garcia na mainam na magdala ng kahit isang government-issued ID para sa mga pagkakataong may magtanong o kumuwestyon sa pagkakakilanlan ng botante. Nasa kabuuang 68.4 milyon ang rehistradong botante sa bansa habang mayroong 1.2 milyon na overseas Filipino voters.