MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes na mino-monitor nila ang presensya ng mga barkong pandigma ng China habang isinasagawa ang joint military drills ng Pilipinas, Estados Unidos, Japan, at Australia sa West Philippine Sea.
Ayon kay AFP public affairs office chief Colonel Xerxes Trinidad, matagumpay na natapos ang Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) noong Miyerkules, sa kabila ng presensya ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China. Aniya, nanatili ang mga barko ng China sa malayong distansya at hindi nakialam sa aktibidad.
Ang 6th MMCA, na isinagawa sa West Philippine Sea, ay naglalayong palakasin ang regional at international cooperation upang mapanatili ang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Sa pagsasanay, nag-deploy ang Pilipinas ng BRP Jose Rizal at Search and Rescue (SAR) assets; ang Australia ay nagpadala ng HMAS Hobart (DDG39) at isang P-8A Poseidon aircraft; ang Japan ay lumahok gamit ang JS Akizuki (DD115); at ang US ay gumamit ng USS Benfold (DDG65) at isa pang P-8A Poseidon.
Kasama sa mga pagsasanay ang Communication Check Exercises (COMMEX), Maritime Domain Awareness and Contact Reporting, Division Tactics and Officer of the Watch Maneuver (DIVTACS/OOW), Photo Exercise (PHOTOEX), at Anti-Submarine Warfare (ASW) Exercises.
Ayon kay AFP Chief General Romeo Brawner Jr., ang aktibidad ay patunay ng matibay na kooperasyon sa pagitan ng apat na bansa upang mapanatili ang ligtas na paglalayag alinsunod sa pandaigdigang batas.
Nanatiling mataas ang tensyon sa rehiyon habang patuloy na iginiit ng China ang kanilang malawakang pag-angkin sa South China Sea, kabilang ang bahagi ng West Philippine Sea na kinilala ng 2016 Permanent Court of Arbitration ruling bilang sakop ng Pilipinas—isang desisyong hindi kinikilala ng China. (Santi Celario)