TAIWAN – Iniulat ng Taiwan nitong Lunes, Nobyembre 25 na namataan nito ang isang Chinese balloon sa dagat hilagang-kanluran ng bansa, ang kauna-unahan mula noong Abril.
Iginigiit ng China na bahagi ng teritoryo nito ang Taiwan.
Regular na nagdedeploy ng mga fighter jet, drones at warship ang Beijing sa palibot ng Taiwan. Paminsan-minsan ay maging mga balloons ay nagpapadala rin ito bilang paraan ng military pressure.
Ang pinakabagong balloon ay namataan 6:21 ng gabi nitong Linggo, Nobyembre 24 sa layong 111 kilometro hilagang kanluran ng Keelung City sa taas na 33,000 feet.
Pumasok ito sa air defense identification zone ng Taiwan at nawala bandang 8:15 ng gabi.
Bukod sa balloon, namataan din ang 12 Chinese military aircraft at pitong warships sa paligid ng Taiwan sa loob ng 24 oras, o hanggang umaga nitong Lunes.
Inilarawan naman ng Taiwan ang naturang balloon bilang uri ng “grey zone” harassment.
Dati nang pinasinungalingan ng China ang alegasyon ng Taiwan na nagpapadala ito ng mga balloon sa lugar. Anila, pinapataas lamang ng Taiwan ang tensyon sa rehiyon. RNT/JGC