Home NATIONWIDE Programang LITAW ni Sen. Tol maipapasa na sa Enero 2025

Programang LITAW ni Sen. Tol maipapasa na sa Enero 2025

PERSONAL na dinaluhan ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang pamamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng kanyang tanggapan, Lunes ng tanghali sa Sisa St. Brgy. 518, Sampaloc, Manila.

Nabatid kay Tolentino na nasa 400 benepisyaryo na kinabibilangan ng mga senior citizen, persons with disability (PWD), at single parents ang nabiyayaan ng tig-P2,000 tulong pinansiyal sa pamamagitan ng tanggapan ng Senador.

Nagpasalamat naman kay Tolentino si Barangay 518 Chairman Obet Martin, ang Pangulo rin ng Pasang Masda, dahil sa mabilis aniyang aksiyon ng Senador nang hilingin nilang mabigyang ayuda ang mga higit na nangangailangan ng tulong sa kanilang lugar.

Sa panayam kay Tolentino, nagpahayag ito ng kumpiyansa na maipapasa na sa Enero ng susunod
na taon ang inihain niyang resolusyon na magtatatag ng programang Liwanag at Tubig
Assistance Welfare (LITAW).

Ayon kay Tolentino, sa ilalim ng inihain niyang resolusyon, hindi muna pagbabayarin ng buwanan nilang konsumo sa tubig, kuryente, at internet ang mga biktima ng kalamidad at iba pang likas na sakuna.

Nagpahayag din ng kalungkutan ang Senador sa naganap na malaking sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng tinatayang dalawang libong pamilya.

Hindi kasi aniya retroactive ang inihain niyang resolusyon sa ilalim ng LITAW kaya’t hindi makakasama ang mga nasunugan sa pondong ilalaan para rito na gagamitin sa pagbabayad ng konsumo ng kuryente, tubig, at internet ng mga pamilyang biktima ng kalamidad. RNT